Oktubre 12, 2011

Eksena sa Hard Rock Cafe...

       Nuong 1980s,  ako'y namasukan bilang research and development designer sa isang maliit na kompanya sa may Timog, Quezon City. Gumagawa ito ng mga miniature na bagay. Mahilig ako sa mga miniature. At model-making. Maliit pa lang ako, gumagawa na ako ng model ng bahay....tapos susunugin ko, kunwari me sunog...

       Isang araw, mga alas-3 ng hapon, pumunta si Bosing sa kwarto ko, at sinabihan ako na lalakad kami at may i-do-drowing ako. Sa Hard Rock Cafe. Hmmmm.....bago ito..sosi....(nuong 1980s kasi, isa lang ang Hard Rock, sa may Ermita, yun ang orig.) Okey po, sabi ko, at maya-maya pa ay niyaya na ako sa kotse niya. Itong si bosing, medyo bata pa nuon, ay galing sa angkan ng mayaman sa Bacolod. Tawagin natin siyang Rolly boy....hehe....

       Si Rolly boy, antulin magpatakbo ng kotse. Naninigarilyo ng Malboro, pero ayaw niya ang kausap niya ay naninigarilyo: mabaho daw. Pero siya, hindi. At kahit matrapik pa-Maynila, nakarating kami dun ng less than 1 hour. Pero dun kami tumigil sa may Mapua sa Intramuros. Me dadaanan daw siya. So, antay ako sa kotse, na kabilin-bilinan niyang 'wag ko raw pakialamanan ang stereo. Antay ako, at dumilim na. Mahigit isang oras na, mga 6 ng gabi, ng bumalik siya, at me kasama pero hindi sila sumakay. Seksi si babae, at sabi "Rolly, wont you join us?" "Nope, I still have a job to do. Enjoy Freddie!" sabi ni Rolly boy. Si Freddie Webb pala kasama at yung babaeng seksi ay si Carmi Martin pala. Galing sa shooting ng Chicks to Chicks na palabas nuon sa TV sa Channel 13. Aba, lintik din itong si Rolly boy, shobiz!!!.(Sa tutoo lang po, di po showbiz mukha ni Rolly...well..pede po sa Regal Shocker...)
Model lang po itong babae sa photo....ganda noh..
So, ayun, punta na kami sa Hard Rock. Nanlaki mata ko. Ganda!!! Me eroplano na sumalpok sa window. Ganun ang design sa facade. Tapos, tapos, marami video tv sa wall, na iisa ang palabas: MTV. Kauumpisa pa lang po ng MTV ng panahon na yun kaya normal lang po na tumulo laway niyo habang nakatulala sa tv monitor. Wala pang masyado tao, pero, isang maganda at saksing babae (seksi po talaga) ang sumalubong, with open arms, literally....kay Rolly boy. "Welcome Rolly!!"  Hmmmp...beso, beso sila..hmmp...ako, nagmukhang magbabanana-kyu sa tabi....Mga ilang saglit, ipinakilala naman ako. Haaayy  sa wakas.....

       "Eto si Paul, ang aking chief artist designer.". "Hi Paul"...Open arms ako....alang beso-beso.. "Helo po Ma'am."....yun lang nautal ko kasi talagang maganda ang babayi....."Me ipagagawa ako kay Paul, so, okey na ba?" sabi ni Rolly. "Okey na, it is ready upstairs" anya ni magandang babayi..
Umakyat na kami at sa taas, mas maganda ang design. Me pating na nasa ceiling, neon ang lights, medyo madilim, pero parang 'asa Amerika na ako. Pers taym ako makapasok dun. Itinuro sa akin ang isang parang furniture...ng lapitan ko, jukebox pala. Wurlitzer!!!! (Sa kapakanan ng mga totoy  at nene, ang jukebox ay isang aparato na kung saan nandun ang mga plaka. Ang plaka ay parang cd pero mas malaki, kasinlaki ng plato.Maghuhulog ka ng barya sa jukebox, me pipindutin ka na button para mapili mo mga kanta, at kapag okey na, press mo ..hindi enter..play..yun..tugtog na.) At ang Wurlitzer ay isang kompanyang amerikano na gumagawa ng musical instruments at pati nga jukebox. Sikat ito, at maganda , at kung meron ang lolo mo na Wurlitzer, kunin mo na at napakamahal niyan!!! (Wag mo kunin, hingin mo..antique yan, pati lolo mo....)

Sampol ng isang Wutlitzer Juke box
mula sa isang imahe sa google
       Gusto ni Rolly boy na i-drowing ko ito up to the minutest detail at ilagay ko ang aktuwal na sukat, pati ng mga turnilyo. Balak niyang gumawa ng miniature nito. "Ayos!!! Maganda idea!", at natanong ko, "tutugtog din ba ito Bosing?" "Gago!!" sabi ni Rolly boy, "eh ano tunog nun, tunog ipis!!! Hinde, miniature na ganyan, pero lalagyan ng lipstik. Kausap ko Avon, i-propose ko sa kanila, sa kanilang anniversary, limited edtion" Ahhh...okey...yun pala. So, ayun, umpisa na ako gawa, habang kuha ng litrato si Rolly boy. Umalis, kinausap ulit si babayi. At pagbalik, sabi ni Rolly boy, "Paul, nagsabi na ako. Kung ano orderin mo, ibigay. Mauuna na ako at punta pa ako sa disco with _______. "  Artista po binanggit niya, na kabit niya. Andyan pa po si artista. Medyo laos na."Sige boss", sabi ko. Patay, sakto lang pasahe ko...pero eto ay mula Timog, papauwi! Eh nasa Ermita ako....bahala gang na.....

       So, sige, banat ako, sukat, drowing, rough lang, yun maiintindihan ko.Sa opisina ko na aayusin. Inabot ako ng 9pm. Umpisa na ng inuman. Me waiter na nakatanga sa tabi ko. Sabi ko "Me binilin boss ko, kung me gusto ako orderin." "Oo" sabi ni waiter, "bigyan ka daw Pepsi" ."Yun Lang?!?!?!" "Oo, at kung oorder ka spagheti, ilista daw at resibuhan, at ipadala sa iyo, para mabawas daw sa sahod mo.." putris...... loko talaga itong si Rolly boy.....

       Di ko na hiningi ang softdrinks, at tinapos ko na ang drowing. Naglakad ako mula Ermita hanggang sa Taft avenue. Sumakay akong jeep papauwi. Meron pa akong extra-bantay-pitaka kaya umabot ako. Mga magaalas-onse na ako dumating. Kumain, natulog....zzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzz.....

       Sa madaling kwento, nagawa ko ang final drawing, lahat ng angulo, front, top, back, left side, right side, complete details with actual measurments, pati yung mga korte.Asar ako ke Rolly boy, kasi, ginabi ako, nagutom, wala namang extra pay. Tumagal lamang ako dun ng isang taon lang, dahil nakakita ako ng ibang mapapasukan. Tatlong taon na akong wala duon pero pinababalik pa niya ako, at ino-offeran ng malaking sahod, pero di na ako bumalik.

       Sa pagninilay-nilay ko noon, hindi siya okey na boss. Kung inalagaan niya ako, baka tumagal ako sa kanya. Gusto ko ang work, at maayos ang mga kasama ko, pero parang wala siyang paki sa empleyado niya. Ang importante sa kanya ay ang kita ng kompanya niya at ang sarili niya. Pero teka.....meron din palang maganda. Sa kanya ko pala natutunan ang pagsukat ng isang 3d na bagay sa pamamagitan ng papel. Sa kanya ko natutunan ang iba't ibang estilo at paraan sa paggawa ng models. Sa kanya ko natutunan ang detelyado at maayos na presentasyon ng isang drawing. Gumamit ng sari-saring mechanical drawing instruments, magbasa ng vernier caliper. Gumamit ng plastic moulds at gumawa ng isang modelong miniature na John Bull Train na ipinadala sa Smithsonian Institute sa Amerika... Natuto pala akong magtiyaga, na kahit gutom, ay dapat gawin ang trabahong utos ng amo. At gawing maayos ang trabaho, kahit asar ako. At sa kanya ko rin natutunan na huwag basta maniniwala sa sinasabi ng boss mo....Okey din pala si Rolly boy...

       Wala na ang opisina sa Timog, nang minsan madaan ako nuong 2010. Di ko alam kung buhay pa si Rolly boy ng Forbes Park. Pero tuwing maalala ko siya, nangingiti ako. Kahit ganun ang trato niya sa akin, sa mga empleyado, maayos naman kaming sumahod sa oras, maayos niyang hinuhulugan ang aming SSS, ang medicare, at walang panahon na na-delay ang sahod. Ganyan siguro ang tao, minsan nakaka-asar  pero kung hahalukayin mo, me maganda naman. Siguro, ganun lang siya. Siguro, ganun din ako. Me naasar din, pero kung hahalukayin mo, me maganda naman naibibigay. Saan ka man naroroon Rolly Boy, nagpupugay ako sayo. Salamat at, kung magkita ulit tayo, ako na ang magyayaya sayo sa SM FoodCourt. Kain tayo ng pisbol at tokneneng, baka kasi di kapa nakakin nuon....