Setyembre 9, 2011

Larawan sa Canvas

     Isa sa mga sumikat na kanta nuong dekada 70s ay ang kanta ng bandang Bread, at ang titulo ng kanta ay "IF". Ang iksi ano.Maiksi din yun kanta. Wala pang 5 minuto, tapos na. Ballad ito, parang love song. Peborit na tinutugtog sa plaka ng mga gustong maisayaw ang mga syota nila (ala pang cd, ipod, mp3 mp4 nuon) . At ang unang bahagi ng lyrics ay ganito: "If a picture paints a thousand words, then why can't I paint you....." (Kaya siguro IF ang title, kasi IF din ang unang word.)

     Eh sino naman di makakakilala ke Mona Lisa? Hinde yang nagtitinda ng sigarilyo dyan sa me labas ng gate ng PUP, matanda na yan. Ang tinutukoy ko ay ang Obra ni Leonardo da Vinci, yung babaeng nakangiti (depende sa iyo kung anong klaseng ngiti ang dating). Kakaiba daw ito, at di mo nga malaman kung anong nasa isip ni Mona Lisa (na kilala din sa tawag na La Gioconda ). 



"Bahay ni Lola" , Acrylic on canvass
     Ako ay gumawa na rin ng mga larawan sa canvas. Iba-iba. Merong landscape, may mukha ng tao, hayop, bulaklak at iba pa. Minsan ay gumawa ako ng mukha ni Hesus, habang siya ay nakapako sa krus. Dalawa sa artwork na ito ay ipininta ko sa tela, at ang isa ay inilagay ko sa board, at ginamitan ko ng style na impasto: ito ang istilo na paggamit ng palette knife imbes na brush sa paglalagay ng pintura. Magaspang ang dating nito, makapal ang mga kulay. Bakit ? Kasi, nais kong ipakita ang paghihirap Niya nuong oras na iyon, kaya ginawa kong magaspang ang dating, madugo ika nga. Sandali ko lang ginawa ito, mga 3 oras. Pero kapag impasto ang istilo, magastos ito sa pintura. Halos walang tubig akong ginamit sa aking acrylic paint. (Kaya sa larawan, uhaw si Kristo..)


"Jesus" Impasto, Board Panel





     Sa ating buhay, parang canvas. (Parang kanta ano..) Nagsimula ang  buhay na isang maputi, at malinis na canvas. Kung ano ang gagawin ko, yun ang magiging resulta. Pwede kong lagyan ng bulaklak, ng araw, ng matitingkad na kulay at kapag natapos, isang larawan sa canvas na kaaya- aya tingnan. Pwede rin namang gawin kong abstract ang larawan, yun bang ako lang ang nakakintindi. Kapag magulo ang buhay, parang abstract. Walang makaintindi sa iyo, at mahabang usapin para maintindihan ka. Pero kahit papaano, meron pa din makakaintindi.(Yun kagaya mong abstract din ang utak). Pwede rin gawin kong fantasy art, na laman lang ng pantasya ang guhit sa larawan. Meron din ganitong tao, na palaging nabubuhay sa pantasya: Tingin niya ay kakaiba siya sa lahat. Puwedeng ipinta ko ay isang madilim at magulong artwork, yun tipong pang- horror ang dating, gothic, macabre. Yes.Madilim na buhay. Pero palagay ko, mga bampira lang ang titingin dun.........

     Ang pagpinta sa canvas ng ating buhay ay nasa sa ating sariling desisyon.Kung ipipinta  ang ating buhay, mas mainam na ito'y malinaw, maiintindihan ng kapwa, makapagbigay kasiyahan sa mga tao, makatulong (kung maganda ang painting, madami bibili di ba, palangga?), at higit sa lahat, sana yun makagbibigay papuri sa gumawa ng canvas. Oo, minsan, kahit maganda ang pagkakapinta, nadudumihan ito, naluluma, kinakapitan ng grime, ng soot, at kung anu-anong anik-anik dyan (elements of nature, ika nga). Pero tingnan mo si Mona Lisa (hindi nga yang nagtitinda ng sigarilyo sa PUP!!!), yun asa Louvre Museum. 14th century pa yun!!!!  Kahit madaming anik-anik sa paligid,  wa-epek yan mga duming yan. Ang masisilayan ay ang magandang larawan sa canvas ng ating buhay. At nais ba nating makilala na isang  abstract na larawan? isang fantasy? horror? o ng isang magandang landscape o portrait na mala- Mona Lisa? Palagay ko ay pare-pareho tayo ng iniisip........

(Wag lang magpantasya na kamukha si mona lisa....)



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento