Malapit lang kami sa SM. Isang sakay lang, mga 20 minuto, andun ka na. Madalas ako dun, sa National Bookstore, kasi, duon ako madalas bumili ng mga gamit ko sa pag-drawing at pagpinta. Normal na ang isang oras ako sa pag-iikot dun, tapos, punta naman Booksale para tumingin ng mga magazine ng WWE at MMA. Fan ako ni Undertaker at ni George St. Pierre eh. Tapos, kung me pera pa, kain sa Jollibee o KFC. Pero mas gusto ko KFC.
Naisipan kong bumili ng Acrylic Varnish. Nag-withdraw ako ng pera sa bangko, at namili ng mga art supplies ko.Ang acrylic varnish ay isang likido na ipinapahid sa isang artwork na acrylic paint ang ginamit. Tubig ang pinanghahalo sa acrylic paint, kaya, walang amoy, at mas gusto ko ang water-based paints, gaya rin ng watercolor, kaysa sa oil paint. Ang varnish ang nagbibigay proteksyon sa artwork. Proteksyon sa dumi, sa panahon, at sa mga tao na mahilig hipuin ang artwork kapag naka display. Oo, me mga taong ganun, kahit nakalagay ng 'Do not touch' hihipuin pa at dudutdutin.Tapos titingnan ang daliri. Ewan ko kung bakit. Baka akala, kumapit ang pintura sa kamay. Nakabili naman ako kaagad, sandaling nag-iikot at lumabas na sa SM, at tumanga duon sa taxi stand. Maaga pa at ayaw ko pang umuwi kaya ako'y nagmatyag sa paligid.
Maraming tao nun, at mayroon akong nakita na isang nanay, na me kasamang batang babae, at siguro, asawa niya yun lalake. Mukhang may pera - mga mestisuhin, mapupula ang pisngi, at maayos ang pananamit. Medyo semi-formal nga ang suot, may alahas, pati yun batang babae na sa tingin ko ay mga 10 taon gulang, naka bestida ng sari-saring bulaklak ang disenyo.May inilalagay silang mga groceries sa likod ng nakaparadang taxi. Marami silang ipinamili, kaya ang lalake at yun driver, abala sa paglalagay sa trunk, samantalang ang ina ay abala naman sa paglalagay ng mga maliit na grocery bag sa pasaherong upuan ng taxi. Naka-tanga ako sa kanila, mga 4 na metro ang layo ko. Hawak ko ang ipinamili kong art supplies.
Ilang sandali, napatingin sa akin ang nanay. Matalim ang mata niya, at bigla niyang hinawakan ang anak niyang babae. Nagtaka ako: bakit? Dahil ba sa itsura ko? Nakatayo lang ako dun, hindi gumagalaw, hindi nagsasalita. Ano ang nakita niya sa akin at para bang nakakita siya ng pedophile? Dahil ba hindi ako nakapag-ahit ng umagang yaon? Ang suot ko naman, maong at puting t-shirt. Ordinaryo. Nakasapatos naman ako at naligo....Ba't ganun? Tapos, ng mapalapit ang asawa niya, bumulong si babae, at muli, tumingin silang dalawa sa akin. Huh??? Madali nilang nilagay ang groceries, na para bang me mang-aagaw ng bola sa basketball, bantay-sarado, at sumakay kaagad sa taxi. Medyo naiinis na ako. Sa loob-loob ko, 'ano palagay niyo sa akin, snatcher? ' Eh kaka-withdraw ko pa lang ng pera, mga 10 thousand ang dala ko. Sa tutoo lang, nainis ako sa tingin nila. Habang umaabante na ang taxi, bumulong pa si lalake sa driver ng taxi, at tumigil ito sandali, at tumingin ang driver sa akin. Oo, sa akin, kasi, ako lang ang nakatayo dun. At umalis na sila.
Pumasok ako sa loob, nagpunta sa CR. Tiningnan ko muna sa salamin baka naman me nakalagay na maskarang impakto sa mukha ko. Maayos naman. Alang dumi, me konting balbas- bigote. Ala namang dumi sa damit ko. Eh anong nakita nila na pinagdudahan ako ng ganun?
Sa aking paguwi, nakalimutan ko ang excitement ko sa bagong art supplies ko. Ang nasa isip ko ay ang pamilyang mata-pobre o mapang-husga. Masama ang loob ko, galit ako. Naglakad ako sa kalye ng subdivision, laman pa rin ng isipan ko ang itsura ng pamilyang yun. Kung anu-ano pumapasok sa isip ko: Sana, sinmpal ng perang dala ko, sana tinarayan ko, sana tinaasan ko ng kilay ( kaya ko yun itaas ang kilay ko pati nguso ). Pero napatigil akong bigla: Isang tinig? (di ko alam, ala namang sound) ang nadinig ko sa aking isipan: "Di ba, ganyan ka din, mapanghusga sa kapwa?" At biglang nakita ko sa aking isipan ang mga panahon na ako'y nagduda sa isang tao sa jeep, na akala ko ay holdaper, dahil mukhang holdaper, pero di pala. Minsan na akong nagduda sa isang babae, na akala ko ay prosti, yun pala, guro. Minsan na akong nagduda sa humihingi ng abuloy, akala ko sindikato, yun pala, tunay na namatayan. At bigla akong natameme...at nahiya sa sarili.....
Oo, pareho lang ako sa pamilyang yun. Minsan ay dumating ang panahon na ako'y nanlait-nanghusga. At naramdaman ko na masakit pala ang ikaw ay mahusgahan ng di tama.Naalala ko si Hesus, na hinusgahan kahit wala siyang ginawang mali. Nakaramdam ako ng pagsisisi, at ako'y humingi ng tawad sa Kanya. At nagdasal upang patawarin ang pamilyang tila humusga sa aking itsura.
Bakit Acrylic Varnish ang titulo? Kailangan natin ng barnis sa ating buhay. At yan si Hesus. Kapag merong nakasakit sa atin, nakagawa ng di tama, ang tendency ay mag-react agad. Pero kung tayo ay napahiran ng barnis, hindi kaagad tayo maapektuhan. Kung me tukso (dumi/kasalanan), kung may gustong manira, at kung ano pa, at tayo ay lumapit sa Kanya upang mabarnisan, tiyak kong tayo ay protektado, kahit ano pa ang mangyari. Tayo ay isang obra Niya at Siya rin ang nagsisilbing Barnis sa lahat ng dumi, tukso, at sa isiping di kanais-nais.
Panghuli, di ko na nakitang muli ang pamilyang yaon. Sana, mali ako ng inisip sa kanila. At kung tama naman ang aking sapantaha, matagal ko na silang pinatawad. At bago ko makalimutan, yung binili kong acrylic varnish ay nawala. Nalaglag siguro sa aking pagbyahe pauwi at di ko alam saan napunta. Nawala ang barnis sapagkat ang una kong reaksyon ay galit at muhi.Napilitan akong bumili muli sa aking pagbalik sa SM.Yun lang ang nawala. Ang mga pangkulay ko, lapis at iba pang supplies ay intact. At kung maulit muli na may tumingin sa akin nang ganuon, alam ko na ang iisipin ko: Nagwagwapuhan sila sa akin...bow....
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento