Noon, Itim, Ngayon, Itim -Puti. Minsan, Abo. Siguro, 10 yrs. from now, puti na. Ang tinutukoy ko ay ang buhok ko. Mali. 'Ang natitirang buhok ko'. Itim.....kung base sa pag-aaral, ito raw ay ang kawalan ng kulay-'the absence of color'. Kaya kung tutuusin, hindi color ang black. Ang puti naman ay ang combination of ALL colors. At ang gitna, o in-between, ay ang Abo o grey.
Kapag ako'y nagpipinta, hinahaluan ko ng grey ang ibang mga kulay. Bakit? Kasi, sa isang larawan, me subject na tinatawag na focal point ng komposisyon. Duon matutuon ang pansin ng tumitingin. At sa paligid nito ay dapat subdued lang, 'di gaanong detalyado at matingkad, para di matalo ang subject matter. Natural, kung gusto mo ipakita ang maganda mong mukha sa picture kapag kino-kodakan kayo, ay hindi ka tatabi sa mas maganda pa sa yo, di ba? Kung puwede lang, hahanap ka ng pangit para makita ang komparison. (Uyy...susubukan niya yan..). Ganuon din sa art: sa paggawa ng komposisyon yung subject matter o focal point ang matingkad, malaki ang contrast, at yung nasa paligid ay madalang lang. Ang ginagawa ko, para di matingkad ang kulay, ay hinahaluan ko ito ng grey. Payne's Grey ang name ng kulay.
Paano ba gagawa ng kulay abo o grey? Ganito: Kuha ka ng puti. Tapos, kuha ka ng konting itim. Haluin. Tikman.(hinde, biro lang..) Ayun, grey na! Mas madami puti, mas light na grey. Mas madami itim, mas madilim na shade ng grey. An dali ano? Oo, importante sa artist ang kulay grey. Syanga pala, tip: sa mga wrought iron works (sa madaling salita-yung grills sa bahay niyo, gate, at iba pa na bakal), elegante ang dating kung grey ang ikukulay niyo. Meron pong metal paint na mabibili sa hardware na grey ang kulay, pang bakal. Yun po gamitin niyo, payo ko.
Dumarating sa buhay natin ang kulay abo. Hindi po buhok ang tinutukoy ko.Yung grey na in-between, o pagitan. Maalala ko, nung panahon ng hapon.....Nuong 2001, asa mindanao ako, me negosyo. Printshop. Maputi ang mga panahon na yun. Naguumpisa kumita, nakikilala ang pangalan ng negosyo na inumpisahan nuong 1998. Pero ng pumasok ang 2001, nagdeklara ng giyera ang gobyerno laban sa mga moro. Eh alam niyo naman sa Mindanao, andun ang base ng mga Moro. At nung Setyembre na yun, ang puti ay unti-unting naging grey. Lumabo. Humina ang negosyo. Dumadami ang itim: maraming bombahan, maraming namamatay. At isang gabi, mga alas-9, ako'y nakatunganga sa harap ng TV na naka-cable, isang tagpo ang nakita ko: Isang malaking gusali, na ang likod ay ang maputing langit, ang naguumpisang labasan ng kulay abong usok. Akala ko ay sunog ngunit umitim ng umitim ang usok at ilang mintuo ang lumipas, gumuho ito. Ito ang World Trade Center sa New York, Sept. 11, 2001. Napapanood kong live sa CNN. Grey ang usok, grey ang alikabok. Gumuho, at grey ang itsura ng mga taong tumatakbo. An labo!!! Parang ang sitwasyon sa aking negosyo. Nadadagan pa ng itim ang grey, at gumuho ang pangalawang building. Ang pangatlo. Nadagdagan din ng grey ang negosyo ko. Nasira ang isang makina ko ng xerox. Walang mekanikong gagawa dahil isinara ng army ang highway. Grey........
Nangyayari ito sa ating buhay, minsan, dahil na rin sa atin. Naglalagay tayo ng itim sa ating buhay. Minsan, dahil sa ibang tao. Di maganda ang grey sa buhay pero importante ito, kagaya sa isang penting. Sa kulay abo, nakikita natin ang pagkakaiba ng itm sa puti, ng maayos at magulo. Kung walang grey, maari tayong manatili sa itim. Ang 'Grey" ang nagsisilbing daan natin patungo sa puti. Dito, makikita natin kung dapat bang lagyan natin ng 'puti' ang ang ating buhay. Dito natin nakikita kung tayo ba ay papunta na sa itim.Hindi puwedeng mawala ang puti. Ito nga ang kombinasyon ng lahat ng kulay. Ang itim ay ang kawalan ng kulay. Abo. Grey. Malabo ngunit malaki ang naitutulong. Sa isang pintor, sa wrought iron, sa buhok, at sa ating buhay.
Pahabol: Grey kung British, gray kung American....at sa ala-ala sa mahigit na 3,000 libo katao na namatay nuong 9/11.......
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento