Lintik din itong si Pedro...antindi humataw!!!! Lunes, padating pa lang. Nayanig kami nung gabi, at buong Martes, delubyo. Basag ang ilaw ko sa gate, wak-wak ang yero ko sa gilid ng halaman, at halos lahat ng saging na saba, tumba. Oo, si Pedring, ang katatapus lang na vagyo na dumaan sa 'Pinas.Di biro ang ginawang pananamantala (pede kaya kasuhan reyp ito?). As of press time, 30 na dedbol......tsk.tsk.tsk..(kabayo sa background...)
Hayun, nitong Miyerkules, napilitan akong mag-ayos. Lahat ng kapitbahay, walisan dito, tapon dun sa bakanteng lote. Ako, walis, lampaso, at pinutol ko ang bali-baling sanga ng Dona Aurora na tanim ko. Kinalbo ko ang Donya. At, ng malinis ko na ang harapan, buong tapang ko nang sinimulan, hawak ang dalawang itak sa magkabilang kamay, na sagupain ang mga naghambalang saging na bumagsak sa bubong ng aming bodega. Ini-imagine ko na ako yun bida sa The Lord of the Ring, The Return of the King. Yung mga saba ang mga ogre at kailangan ko silang putulin! tagain! tagpasin!
Hataw dito ang gawa ko, hataw duon. Tumba. Putol! Bwahahahaha!!!! Daplis!!! Tinamaan ako ng sarili kong itak sa alulod ko (yun pagitan ng tuhod at paa, sa buto). An sakit nun ha! .........ayaw kong tingnan kung me dugo........tiningan ko din...meron...maliit na sugat lang...pero masakit, gumanti ang mga Ogre at sandali'y umusal ako ng isang tahimik na dasal proteksyon....
Nang malapit na akong matapos, siyempre, pagod, madumi.....nag emote ako. Kasi ba naman, nakita ko ang mga kamay ko,...ang mga kamay na gumagawa ng mga dibuho, ng mga obra....heto,...madumi...paltos- sarado...maga.....sugat-sugat..labas ang ugat.....at naawa ako sa sarili ko.......(pasok ang tugtog ni Helen Vela..)
Meron akong pinsan na maliit pa (5yrs old) ay me talento na sa pagtugtog ng piano. Kaya siya ay dinala sa Vienna, Austria at duon pinag-aral at nagtapos ng kurso sa musika sa pagtugtog ng piano at pagkumpas ng orkestra. Natural, alagang-alaga ang mga kamay nun. Ni hindi ata humawak ng kahoy sa syato yun eh. Naalala ko din ang aking naging direktor sa pelikula. Mataba siya, bugoy kumilos, pero ang kamay, kamay-babae. Mala-kandilang hugis na walang kalyo. Ingat na ingat dahil yun ang puhunan ng isang artist-ang kanyang kamay. Palaging pumapasok sa isipan ko na kapag ako'y nagpipinta, sinasabihan akong huwag muna maghugas ng kamay.....(pano kung umebak ako?). Pero madalas, bugbog ang kamay ko. Andyan ang magkarpintero ako (oi! ako ang gumawa ng mga kama ng mga anak ko! at kabinet!) Andyan ang mag-ayos ako ng tubong sira. Andyan ang maging elektrisyan ako. At me mga pagkakataong mason, kusinero, tagahugas-plato.....tapal vulcaseal sa bubong, putol ng punong di ko alam ba't tinanim sa ilalim ng kuryente... at sa pagitan ng pag-dro-drowing o pagpipinta yan!. Tinitigan ko mga kamay ko...labas na ugat..at madalas, nanginginig na pag gumagawa ako ng obra. Naawa ako sa mga kamay ko..kamay na marunong magpinta, mag-drowing, tumugtog ng gitara at keyboard. Kamay na puhunan ko....(emote/inarte portion)...
Sa ilalim ng sikat ng tanghaling-tapat na araw, me ibon. Nandun at nakadapo sa kuryente.Nanginginig. Medyo nakalbo. Naalala ko: asan sila nung vagyo? S'an sila nagtago.? Pero buhay sila! Ng umulan ulit ng hapon, lipad sila, natatangay ng hangin. Pero kinabukasan, andyan na naman sila. Patong sa antenna ng tv sa bubong. Mga beterano ng vagyong Pedring. At naisip ko.....naawa ako sa kamay ko, pero me ipinakita ang Diyos sa akin sa pamamagitan ng mga ibon. Di sila nagrereklamo. Pagkatapos ng mala-demonyong vagyo, tuloy ang kanilang paglipad, ang kanilang paghanap ng pagkain, ang kanilang pagkanta. Me nalagasan ng balahibo, merong pilay, merong nakalbo (ako, medyo nakakalbo pa lang), pero patuloy silang umaawit tuwing umaga, tila ba nagbibigay papuri sa Maykapal.
Di ako dapat mag inarte sa sinapit ng aking kamay. Tama na ang emote. Magpasalamat ka Paul, sabi ng ibon. Binigyan ka ng Diyos ng mga kamay na maraming alam gawin. Kaya ka niya binigyan ng ganyang mga kamay para gamitin mo sa kanyang ikapupuri, sa pagtulong sa paglikha ng mga bagay na ikasisiya at ikatutulong ng kapwa.Hindi ka Niya binigyan niyan para lang pangulangot o pagtanggal ng tinga. Oo, sabi ko sa sarili ko...Salamat Lord (hiya-attitude), sa mga kamay na ito. Bawat pawis na tumulo, bawat dugo na umagos, ay alay ko sayo, dahil ang lahat ng ginagawa ko ay dapat para sa iyo. Salamat sa kamay ko Lord, Salamat.......(teka, je-jebs muna ako....wag mag-alala..maghuhugas ako kahit pagod ang kamay ko sa pagtype ng binabasa mong blog ko.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento