Nakakatuwa ang mga eraser, lalo na ang ginagamit pambata. Yun bang sari-sari ang kulay, korte, at madalas, amoy kendi. Kaya nga ba madalas eh mas nauubos agad ang eraser ng bata, kaysa lapis. Masarap ngat-ngatin. Yung lapis na mongol, lasang hilaw na chesa, dili kaya, lasang serbesang nabilad sa araw ng isang linggo. Ang mga eraser, wala ngang lasa, mabango naman. At malambot. Pwera yun eraser nang mongol ha, yun maliit na pula sa ulo ng lapis. Lasang aratiles na bulok yun.
Importante sa buhay ng isang nagdro-drowing ang eraser. Aba eh, bago mayari ang isang obra, sangkaterbang burahan yan. Minsan nga, sa sobrang bura, napupunit na ang papel, kaya, ulit nanaman si dibuhista. Sa aming mga gumagawa ng portrait, may isang uri ng eraser kaming ginagamit. Dalawa pala. Ang una yung white na kulay (gusto ko white eh), PVC-free (kung environmentalist ka), smooth, for pencil. Ito ang dakilang tagabura ng mga mali, at malimit ay sa lapis ito ginagamit. Ang pangalawa ay ang Gum Eraser, o tinatawag din Kneaded Eraser. Kulay grey ito, maliit lang, walang amoy, at malambot na parang clay. Pwede mo itong gawaan ng hugis, parang clay nga. Kaya pag wala pang pumapasok na ideya sa utak ko, pinaglalaruan ko ang gum erser. Gagawa ako ng hugis butiki, at ididikit ko sa refrigerator. Madalas magulat ang misis ko pag bubuksan niya ang pinto ng ref, kaya madalas din akong masigawan.
Hindi pwedeng walang eraser sa isang portraitist! Aba, kung gagayahin ko yung mga nasa hi-skul na ang ginagamit na pambura ay daliri at laway, baka yun portrait ni Bradd Pitt ay magmukhang Brod Pete. O sige, aminin ko na, ginawa ko rin yan nuon. Pero ibang kwento na yun. balik tayo ke gum eraser. Kapag naumpisahan na ang portrait, at kailangan me burahin pero maliit na parte lamang, diyan e-eksena si gum eraser. Ikokorte ito ng medyo patulis, para yung bahagi lang na buburahin ang mabubura. Di kagaya ng white, korteng kahon na maliit, pag ginamit mo, madaming mahahagip. At, eto ang masaya. Hindi nauupod ang gum eraser. Umiitim lang, sa dami ng tinanggal niyang dumi at mali. Kaya, kung bibili ka ngayon nito, me apo ka na, andyan pa yan. Kortehin mo ulit ng butiki at takutin mo apo mo. Binigyan ko nga ng pangalan ang dalawang ito: si Whitey, at si Blackie...
Sa aking pagninilay- nilay (naks...), di ba't parang eraser din ang Diyos? Kahit anong dumi natin, kahit anong ginawa nating kabulastugan sa ating buhay, kung lalapit tayo sa Diyos at hihingi ng kapatawaran, erase yan ke Lord. Si Pedro, pinatawad. Si Magdalena pinatawad. Ang mga paganong naniwala sa Kanya. Ikaw. Ako. Lahat ay inaanyayahan Niya na magbalik-loob, at handa rin Niyang BURAHIN ang dumi ng kasalanan sa atin. Si Hesus, na dinala ang kasalanan ng sanlinbutan, ay naupod sa krus, umitim sa dumi ng mundo, pero ang kapalit nito ay ang pagkakasagip ng tao sa kamatayan at pagkatalo ng kasalanan. Minsan, kung matindi ang mali, ini-sno-pek na tayo ni Lord. At kung ang dumi natin ay mala-pentel pen na, me remedyo si Lord dyan. Basta gusto talaga nating magbago, at handang magbalik-loob at sumunod sa Kanya, me pambura Siya sa dumi natin. Lalabhan Niya tayo, gagamitan ng zonrox, at kukulayan ng puti..........teka.......hindi naman literal ang ibig kong sabihin. Sa pagpunta natin sa Sakramento ng Kumpisal, ganyan ang nangyayari: nalalabhan tayo(sa pamamagitan ng Kanyang representative sa lupa, ang pari), at muling napapaputi ang ating mga kaluluwa (kapag tayo ay binasbasan na muli ng pari) sa pamamagitan ng Espirito Santo.
Kaya nga mahal ko ang mga eraser ko. Kapag medyo mauupod na si Whitey, bibili na ako. At kapag medyo umiitim na si Blackie, kahit okey pa, bibili na muli ako. Importante sa artist na katulad ko ang eraser. Pero mas lalong importante ang Diyos sa ating buhay. Kapag tayo'y nadumihan, 'wag mag-atubili: Bumalik sa Kanya. Huwag nating antayin na permanente na Niya tayong burahin sa mundo.
.......Ako, Lord, wag mo muna akong burahin sa mundo ha?! Mag-e-enjoy pa ako gumawa ng art at blog.
Titanium Edc | TITONIC EDC
TumugonBurahinTitanium blue titanium Edc is an innovative glassware and gaming system, created by hypoallergenic titanium earrings Technosolutions, who has been in titanium engine block the development of solid glassware and $2.50 to $9.50 · Out titanium exhaust tips of stock titanium max trimmer