Naatasan akong magpinta ng isang imahe ng Birhen ng La Salette nuong Hunyo, at natapos ko ito nuong Agosto. Dinala ang print nito sa Pransya upang ilagay sa Museo ng La Salette, at ang orihinal naman ay dinala sa kanilang Shrine sa Silang, Cavite. Acrylic paint ang ginamit ko, at nakapinta ito sa watercolor paper na Arches ang tatak, galing pa ng Pransya. Sari-saring brush ang ginamit ko, at realism ang style na ginawa ko. Maraming kulay ang tinimpla ko, maraming oras ang ginugol (hindi google ha). Sa tutoo lang, umabot ng limang understudy ang nagawa ko bago ang huli na dinala sa Pransya. Sa paggawa ko ng artwork na ito, malaking bahagi ang partisipasyon ng sawsawan. Sawsawan ng ano? Ah, ito po ay ang sawsawan ng brush kapag gusto mong hugasan.....
Kahit anong lalagyan ay pwedeng sawsawan. Plastik, babasagin. Basta medyo malaki, mataas. Alam niyo ba yun sisidlan ng Stick-O? O kaya yun bote ng Lady's Choice na Sandwich Spread. Pwede na rin yun container na galon ng ice cream. Nilalagyan ito ng tubig at dun binabanlawan ang mga brush kapag nagpipinta. Kailangan, madami kang sawsawan: meron pang over-all na panlinis ng brush, meron 2nd, at meron kang 3rd na sawsawan ng malinis na tubig. Minsan, kailangan mong mag-wash effect, at dito ka sa 3rd container kukuha ng tubig sa pmamagitan ng brush. Kailangan, malinis itong sawsawan na ito. Usually, ang gamit kong mga sawsawan ay malalaking tasa o mug. Para madaling buhatin at palitan ng tubig at madaling hugasan kapag kontaminado na ng madaming kulay.

Sawsawan. Mga lugar na kung saan tayo ma-re-refresh. Meron isang sawsawan, na palaging andyan lang sa malapit: Ang iyong sariling kuwarto. Sa panahong ako'y pagod sa mga sari-saring gulo ng buhay, pumapasok ako sa aking kwarto, at duon, nakikipagusap ke Lord. Duon ako nagsusumbong, nagrereklamo, duon ako umiiyak. Duon ako nagkukuwento sa Kanya. At duon din ako nakikinig sa mga pangaral Niya, sa mga utos, tips, at duon din Niya ako binibigyan ng pahinga.
Siyanga pala, ako'y nagkakape habang nagpipinta. Madalas, abala ako sa aking pagpipinta, di ko namamalayan na iniinom na ni Sassy ang kape. ko. Madalas din nasasawsaw ko ang brush sa kape ko. At madalas din mainom ko ang sawsawan ng brush. Okay naman ang lasa. Kulay halo-halo at lasang kape. Good day po.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento