Setyembre 11, 2011

May Luha ang Pasko....

     Kanta ni Victor Wood yan.....me plaka kami niyan kasama si Pilita Corrales at Madrigal singers. 1970s. Ewan ko ba ke pareng Vic, paskong-pasko, luha ang kinakanta. Di ba dapat masaya pasko? Hindi kaya dahil ke Madame Auring? Ah... luma na ba yung tsismis? Luma naman sila paleho.....yun plaka, kako.....

     Isang araw ng Disyembre, kinausap ako ng isang taga-simbahan. 1990 pa ito. Gumawa daw ako ng painting na gagamiting backdrop sa altar. Para sa Simbang Gabi. Gusto ng paring Indian na sa siyam na gabi, me backround ang altar ng isang Nativity scene. So, kako, e di madilim, gabi, tapos, walang ulap pero me kumukuti-kutitap na mga bituin. Me Tala. Tapos, tapos, yun silhouette ng Bethlehem. Tapos,tapos, me kaunting puno, me kaunting tupa, at kaunting pastol. OK ba Padz? Ok daw. So, lakad, punta sa bookstore, bili ng materyales.

    Apat na malalaking illustration board, yung isang buo . Acrylic paint. Brotsa. Uwi. Naligo at nag-umpisang magpa-inspire. Nagpatugtog ako ng mga pamasko. Di ko sinalang si Victor Wood. Yun ke Bing Crosby, yun White Christmas. Ganda.......Nilabas ko sa harap ang aking mga gamit. Ready na. Inspired na. At sinimulan kong gawin ang sky.....Kuha ng Pthalo Blue, Paynes Gray, Mars Black....mix....pahid gamit ang flat brush....Gawa ng horizon, silhouette ng Bethlehem.....ayos...ganda. Lagay ng kaunting bituin , kumukuti-kutitap (2x)......ummmmm....chestnuts roasting on an open fire....jackfrost nipping at your nose.....
mga anak at pamangkin ko po ito, nung sila'y mga inosente pa...
    Me mga batang paslit na nasa gate. Nanunuod...."Ay, pasko!!!" anila... hehe..Di pa man tapos, alam na agad ng audience na batang paslit na paskong- eksena ang ginagawa ko. Epektib!!! hehe..Yabang ako, laki butas-ilong.....

     "WALANGHIYA KA!!!!    Sira Ulo!!!    G_G_!!!!    @%#$^%@!$# Boom!!!   CRASH!!!!! uwaaaaa (palahaw ng sanggol)...uhaaaaaaaaaa....SIGE! SUBUKAN MO!!! PAPATAYIN KITA!!!! waaaaaaaaaaa (iyakan ng mga bata...) Mga tunog ng hinahagis na kagamitan ......balibagan ...pak....spak....

     Sa tapat ng bahay nanggaling ang mga sigawan. Nag-aaway mag-asawang Ite at Janet. Walo anak, sunod- sunod. Panganay 8 yrs. old, bunso, 6 na buwan. Plantsadora namin si Janet. Si Ite, me trabaho pero pag nalasing, yun ulo, asa paa, at yun puwit nya ang nakakabit sa leeg. Sa madaling salita, pag lasing, wala sa sarili. Away na naman..... Sanay na kami. Sanay na ang mga kapitbahay. Walang umaawat, dahil nung panahon na iyon, ala pang Women and Children's Desk. Pati mga pulis sa kanto na kakamot-kamot sa tiyan, ayaw makialam sa away mag-asawa. Sa loob pa man din ng bahay...PAk!! Sampalan na naman. At unti - unti, ang brotsang hawak ko ay nag-iba ng pitik. Naging madiin ang pagpinta ko....Sapak   ..Pahid pintura....BALIBAG....sawsaw bigla sa itim na kulay.... UUUHAAAAAAAAAAaaaaaaa......Pahid ng madiin ng brotsa.....

"Ay, yun pasko, naging bagyo!" utal ng batang- paslit na audience ko kanina pa...
"Di yan pasko, gumagawa siya ng penting ng bulkang sumasabog" anya naman ng isa pang unano....
Nakita kong pumangit ang pinta ko. Nagmukha ngang isang tagpo sa loob ng isang ipo-ipo. Magulo, madilim, maiitim. Nawala ang mga bituin, at di mo na makita ang tala. Sumama ang loob ko at nawalan ng gana. Tumigil na rin pala ang sinalang kong christmas carols......
     Minsan, sa sandaling me mga pangyayaring di kanais-nais, madali tayong maapektuhan. Sa isang iglap, ang saya, biglang me bad trip, bad trip na rin tayo. Ang pangit ano!?! Pero, ngayon, mahigit 20 yrs na ang lumipas, at di ko alam kung asan na sila Janet at Ite, naisip ko: Dapat, nuon pa, kinausap na namin sila. Pinayuhan. Dapat, nakialam kami. Humingi ng tulong sa kinauukulan. DSWD. Pulis. Meyor.Kay Cory. OO, dapat nuon pa, naging concerned na kami. Dahil din sa kawalan ng malasakit, ano na kaya ang nagyari sa kanila? Kung pinayuhan kaya namin si Ite, di siguro mangyayari ito. Kung sinabihan namin si Janet na kapag sinasaktan siya ng asawa niya, dapat ireklamo nya sa pulis, di sana palaging me black eye siya, at baka 4 lang anak niya. Kasi naman, tuwing mag-aaway sila, kinabukasan buntis ulit si Janet.

     Kailan ba tayo dapat kumilos? Kailangan bang makialam tayo? Oo, dapat tayong kumilos para maiwasto ang mga mali. Dapat tayong makialam kung ang mundo sa paligid natin ay dumidilim; kapag natatakpan ng itim ang dapat sana'y mga bituin. Me kasalanan si Ite, me kasalanan si Janet. Me kasalanan ako, at ang mga kapitbahay ko. Walang kasalanan ang mga bata. Pero paglaki nila, paano? Namulat sila sa ganuong mundo. Si Kristo ay isinilang sa isang sabsaban,  ala pang aircon, at walang kama. Madilim at maitim ang mundo kinagisnan Niya. Pero Siya ang me dala ng ILAW, at nagliwanag muli ang mundo. Sa pangyayaring aking nai-kuwento sa inyo, nagkaroon ng Luha ang Pasko, ngunit di pa huli ang lahat. Me mga pasko pang darating, me mga Janet at Ite pang makikilala, at sana, kapag naulit muli ang kanta ni Victor Wood,  mapalitan na ito ng "all is calm...all is bright.."

2 komento:

  1. Kuya Paul, ang ganda po. Alam nyo po me kapitbahay din kaming katulad nung ikinuwento nyung si Ite at Janet. Marami din anak. Me bisyo at sa kasamaang palad, pati pamilya nya ngayon katuma na nya sa lasingan. Pag nag-aaway po sila always ko po sinasabi sa mga magulang ko na wag na makialam kasi bka mas lumala lang pag nakisawsaw kami. Hayaan nalang na sila lumutas sa problema nila. Takot po kasi ako na baka kami mapagbalingan ng galit nila. Kahit alam ko po na mali ang hindi makialam, mas pinili ko pa rin po ang manahimik.Mabuti nalang po mga magulang ko matitigas ang ulo. Hindi ako pinakikinggan. Ginagawa ang alinmang sa tingin nila'y tama. Sana nga magawa ko rin pagdating ng panahon..hihi

    TumugonBurahin
  2. Salamat basangsisiw. Sa tutoo lang, napakaraming Janet at Ite sa paligid. Kung pede nga lang ilagay lahat ng Janet at Ite sa karton at dalhin sa Spratlys.....pero kasama natin sila, at dahil din sa kanila, natututo tayo at nakikita ang ating kakulangan at ang ating sarili na tayo rin ay may pagkukulang sa ating komunidad.....

    TumugonBurahin