Nuong ako'y Jeproks pa |
Halos lahat ng artist ay nagdaan siguro sa paggawa ng maskara. At halos lahat din siguro ng lalaking artist ay natuksong magsuot ng maskara......maskara sa mata. Isa na ako dun. Maiksi kasi pilik-mata ko.
Nung maliit pa ako, me mga tindang maskarang karton, na kalimitan, mga superheroes o horror. Yun bang gawang karton lang, me butas sa mata at ilong, at meron rubber band pansabit sa tenga. Madalas nga, natitiklop ang tenga ng mga bata kaya madaling matanggal. Gumagawa na ako nuon ng maskara yari sa folder na dilaw, yung long folder na gamit natin pag-submit ng projects sa eskwela. Ginagaya ko ang estilo at sariling disenyo at kulay ang gamit ko. Tapos, ng magpunta ang aking tatay sa Hawaii nung 1960s, me inuwi siyang 3 maskara: yun tipong 3D na, yun me korte. Isa sa akin, si Bugs-Bunny, isa sa kapatid kong lalaki, clown naman, at isa sa kapatid kong babae, mangkukulam na magandang babae. Wala pang tinda sa Pilipinas na ganun kaya pag suot ko yun,lumalabas ang ilong ko sa maskara dahil feeling mayabang ako nun sa mga bata-batuta sa kalye.
Nang ako'y magkolehiyo, ang aking syota nuon ay naturuan sa klase nila na gumawa ng maskarang 3D. Fine Arts ang kurso niya kaya ako'y nakisawsaw sa klase nila at tinulungan ko siyang gumawa para matuto ako. Meron silang binili na clay, pero 'di yung tinda sa National. Clay na lupa talaga. Babasain mo ng tubig para lumambot. Lupa, kulay tae. Mahal daw yun. Dun namin sinimulan gumawa ng korte ng mukha ng tao. Demonyo na nakalabas ang dila ang modelo na ginawa ko. Tapos, pinatuyo yung clay, at ng tuyo na, nagpira-piraso kami ng dyaryo, para gawing paper mache. Tinapal namin yun sa clay na mistulang naging hulmahan, hanggang sa kumapal. Matagal na proseso kasi, basa yun gawgaw na paste na ginawa namin.Inabot ng 1 week bago ito kumapal ng mga 7 layer na pira-pirasong dyaryo. Tapos, inalis namin dahan-dahan sa hulmahan, at medyo niliha para kuminis, at nang ito'y makinis na, binutasan ang lugar sa mata, binutasan sa ilong, at sinimulan lagyan ng pintura at disenyo. Water-based paint ang ginamit (latex o acrylic, pwede). Dahil pers taym gumawa, ang maskarang demonyo na ginawa ko ay ubod kong yabang na isinuot at lumabas sa kalye. Nagtawanan ang mga bata-batuta at hindi natakot. Nang makita ako ng nanay kong suot-suot yun, hinampas ako ng walis-tingting at sinabing bakit ko raw siya dinidilaan. Akala niya mukha ko yun.
Maskara ang suot para magpanggap. Maganda yun nakakatakot. Kaya nung me pamilya na ako, pinilit kong magkaroon ng rubber mask na tinda kapag halloween.Yung talagang isinusuot sa ulo, na mukhang balat talaga, me buhok, at nakakatakot. Palagi kong binubuska ang anak ng kapitbahay namin, at minsan, sa sobrang takot ay nilagnat. Nagalit ang dati kong syota na misis ko na sa mga kagaguhan ko sa mga bata-batuta.
Ang apat kong anak ay yung apat sa gitna. Yun dalawa sa dulo mga pamngkin ko. Yun asa gilid, mga bata-batuta. |
Ako nung 1960s |
Mahilig tayong magpanggap. Ang masaklap, me pagkakataon na ang 'maskara' natin ang siyang nagiging mukha na natin, at tayo ay nabubulag na sa realidad. Nagpapanggap, nagtatago, sa likod ng maskara. Ako'y minsa'y nabuhay sa likod ng maskara. At hindi maganda, dahil alam kong hindi tutoo, pero panay arte ko para lang mapaniwala ang ibang tao. Nagtatago, para di matuklasan, pero sino naloko ko? sarili ko.....
Ngayon? Tunay ko ng mukha yan.Wala ng maskara yan. Di na kailangan sapagkat ang ibinigay Niya sa akin, ay buong-puso ko nang tinanggap. Hindi ko na hangad ang magsuot ng 'maskara', at lalong ayaw ko ng magsuot ng 'maskara' ng iba. Kuntento na ako sa aking 'mukha', sa aking buhay. Masaya na ako at nagpapasalamat sa Kanya.
"Kung ikakasal na ang mga anak kong dalaga, siguro, magme-make-up naman ako, at maglalagay ng mascara sa mata. Patatawarin niyo naman siguro ako...."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento