Setyembre 29, 2011

Mukha ka bang Maskara.......

Nuong ako'y Jeproks pa
     "Hubarin mo ang iyonggg maskaraaaaaa.....upang ikaw ay makilalaaaaa..." hirit ni Joey 'Pepe' Smith sa kanilang awiting Maskara nuong 1974. Meron din kantang ginawa ang Eraserheads pero palagay ko, mas gusto ko yun sa Juan dela Cruz. Mas nauna yun at mas orig. At panahon ko yun....panahon ng jeproks.

     Halos lahat ng artist ay nagdaan siguro sa paggawa ng maskara. At halos lahat din siguro ng lalaking artist ay natuksong magsuot ng maskara......maskara sa mata. Isa na ako dun. Maiksi kasi pilik-mata ko.
Nung maliit pa ako, me mga tindang maskarang karton, na kalimitan, mga superheroes o horror. Yun bang gawang karton lang, me butas sa mata at ilong, at meron rubber band pansabit sa tenga. Madalas nga, natitiklop ang tenga ng mga bata kaya madaling matanggal.  Gumagawa na ako nuon ng maskara yari sa folder na dilaw, yung long folder na gamit natin pag-submit ng projects sa eskwela. Ginagaya ko ang estilo at sariling disenyo at kulay ang gamit ko. Tapos, ng magpunta ang aking tatay sa Hawaii nung 1960s, me inuwi siyang 3 maskara: yun tipong 3D na, yun me korte. Isa sa akin, si Bugs-Bunny, isa sa kapatid kong lalaki, clown naman, at isa sa kapatid kong babae, mangkukulam na magandang babae.  Wala pang tinda sa Pilipinas na ganun kaya pag suot ko yun,lumalabas ang ilong ko sa maskara dahil feeling mayabang ako nun sa mga bata-batuta sa kalye.

     Nang ako'y magkolehiyo, ang aking syota nuon ay naturuan sa klase nila na gumawa ng maskarang 3D. Fine Arts ang kurso niya kaya ako'y nakisawsaw sa klase nila at tinulungan ko siyang gumawa para matuto ako. Meron silang binili na clay, pero 'di yung tinda sa National. Clay na lupa talaga. Babasain mo ng tubig para lumambot. Lupa, kulay tae. Mahal daw yun. Dun namin sinimulan gumawa ng korte ng mukha ng tao. Demonyo na nakalabas ang dila  ang modelo na ginawa ko. Tapos, pinatuyo yung clay, at ng tuyo na, nagpira-piraso kami ng dyaryo, para gawing paper mache. Tinapal namin yun sa clay na mistulang naging hulmahan, hanggang sa kumapal. Matagal na proseso kasi, basa yun gawgaw na paste na ginawa namin.Inabot ng 1 week bago ito kumapal ng mga 7 layer na pira-pirasong dyaryo. Tapos, inalis namin dahan-dahan sa hulmahan, at medyo niliha para kuminis, at nang ito'y makinis na, binutasan ang lugar sa mata, binutasan sa ilong, at sinimulan lagyan ng pintura at disenyo. Water-based paint ang ginamit (latex o acrylic, pwede). Dahil pers taym gumawa, ang maskarang demonyo na ginawa ko ay ubod kong yabang na isinuot at lumabas sa kalye. Nagtawanan ang mga bata-batuta at hindi natakot. Nang makita ako ng nanay kong suot-suot yun, hinampas ako ng walis-tingting at sinabing bakit ko raw siya dinidilaan. Akala niya mukha ko yun.

     Maskara ang suot para magpanggap. Maganda yun nakakatakot. Kaya nung me pamilya na ako, pinilit kong magkaroon ng rubber mask na tinda kapag halloween.Yung talagang isinusuot sa ulo, na mukhang balat talaga, me buhok, at nakakatakot. Palagi kong binubuska ang anak ng kapitbahay namin, at minsan, sa sobrang takot ay nilagnat. Nagalit ang dati kong syota na misis ko na sa mga kagaguhan ko sa mga bata-batuta.

Ang apat kong anak ay yung apat sa gitna. Yun dalawa sa dulo
mga pamngkin ko. Yun asa gilid, mga bata-batuta.
Ako nung 1960s
     Ngayon, marami ng tindang maskara, at meron kang mabibiling plain na maskara, walang kulay at dekorasyon, at me kasama itong pangkulay at brotsa at nasa sa iyo kung paano mo pipintahan ito. Makakabili ka nito sa mga mall, sa Toy World, sa National, sa SM. Ine-encourage nila ang bata na magdisenyo ng sarili. Maganda, dahil nahahasa ang imahinasyon ng bata. Masarap magsuot ng maskara, dahil sa tutoo lang,  marami tayong pangarap: magpanggap na Darna o Captain Barbel o Spiderman. Yung apat na anak kong babae, meron silang Teenage Mutant Ninja Tartol na maskara.

     Mahilig tayong magpanggap. Ang masaklap, me pagkakataon na ang 'maskara' natin ang siyang nagiging mukha na natin, at tayo ay nabubulag na sa realidad. Nagpapanggap, nagtatago, sa likod ng maskara. Ako'y minsa'y nabuhay sa likod ng maskara. At hindi maganda, dahil alam kong hindi tutoo, pero panay arte ko para lang mapaniwala ang ibang tao.  Nagtatago, para di matuklasan, pero sino naloko ko? sarili ko.....

     Ngayon? Tunay ko ng mukha yan.Wala ng maskara yan. Di na kailangan sapagkat ang ibinigay Niya sa akin, ay buong-puso ko nang tinanggap. Hindi ko na hangad ang magsuot ng 'maskara', at lalong ayaw ko ng magsuot ng 'maskara' ng iba. Kuntento na ako sa aking 'mukha', sa aking buhay. Masaya na ako at nagpapasalamat sa Kanya.

"Kung ikakasal na ang mga anak kong dalaga, siguro, magme-make-up naman ako, at maglalagay ng mascara sa mata. Patatawarin niyo naman siguro ako...."

Setyembre 28, 2011

Kamayan Blues

     Lintik din itong si Pedro...antindi humataw!!!! Lunes, padating pa lang. Nayanig kami nung gabi, at buong Martes, delubyo. Basag ang ilaw ko sa gate, wak-wak ang yero ko sa gilid ng halaman, at halos lahat ng saging na saba, tumba. Oo, si Pedring, ang katatapus lang na vagyo na dumaan sa 'Pinas.Di biro ang ginawang pananamantala (pede kaya kasuhan reyp ito?). As of press time, 30 na dedbol......tsk.tsk.tsk..(kabayo sa background...)


     Hayun, nitong Miyerkules, napilitan akong mag-ayos. Lahat ng kapitbahay, walisan dito, tapon dun sa bakanteng lote. Ako, walis, lampaso, at pinutol ko ang bali-baling sanga ng Dona Aurora na tanim ko. Kinalbo ko ang Donya. At, ng malinis ko na ang harapan, buong tapang ko nang sinimulan, hawak ang dalawang itak sa magkabilang kamay, na sagupain ang mga naghambalang saging na bumagsak sa bubong ng aming bodega. Ini-imagine ko na ako yun bida sa The Lord of the Ring, The Return of the King. Yung mga saba ang mga ogre at kailangan ko silang putulin! tagain! tagpasin!


     Hataw dito ang gawa ko, hataw duon. Tumba. Putol! Bwahahahaha!!!! Daplis!!! Tinamaan ako ng sarili kong itak sa alulod ko (yun pagitan ng tuhod at paa, sa buto). An sakit nun ha! .........ayaw kong tingnan kung me dugo........tiningan ko din...meron...maliit na sugat lang...pero masakit, gumanti ang mga Ogre at sandali'y umusal ako ng isang tahimik na dasal proteksyon....

     Nang malapit na akong matapos, siyempre, pagod, madumi.....nag emote ako. Kasi ba naman, nakita ko ang mga kamay ko,...ang mga kamay na gumagawa ng mga dibuho, ng mga obra....heto,...madumi...paltos- sarado...maga.....sugat-sugat..labas ang ugat.....at naawa ako sa sarili ko.......(pasok ang tugtog ni Helen Vela..)

     Meron akong pinsan na maliit pa (5yrs old) ay me talento na sa pagtugtog ng piano. Kaya siya ay dinala sa Vienna, Austria at duon pinag-aral at nagtapos ng kurso sa musika sa pagtugtog ng piano at pagkumpas ng orkestra. Natural, alagang-alaga ang mga kamay nun. Ni hindi ata humawak ng kahoy sa syato yun eh. Naalala ko din ang aking naging direktor sa pelikula. Mataba siya, bugoy kumilos, pero ang kamay, kamay-babae. Mala-kandilang hugis na walang kalyo. Ingat na ingat dahil yun ang puhunan ng isang artist-ang kanyang kamay. Palaging pumapasok sa isipan ko na kapag ako'y nagpipinta, sinasabihan akong huwag muna maghugas ng kamay.....(pano kung umebak ako?). Pero madalas, bugbog ang kamay ko. Andyan ang magkarpintero ako (oi! ako ang gumawa ng mga kama ng mga anak ko! at kabinet!) Andyan ang mag-ayos ako ng tubong sira. Andyan ang maging elektrisyan ako. At me mga pagkakataong mason, kusinero, tagahugas-plato.....tapal vulcaseal sa bubong, putol ng punong di ko alam ba't tinanim sa ilalim ng kuryente... at sa pagitan ng pag-dro-drowing o pagpipinta yan!. Tinitigan ko mga kamay ko...labas na ugat..at madalas, nanginginig na pag gumagawa ako ng obra. Naawa ako sa mga kamay ko..kamay na marunong magpinta, mag-drowing, tumugtog ng gitara at keyboard. Kamay na puhunan ko....(emote/inarte portion)...

     Sa ilalim ng sikat ng tanghaling-tapat na araw, me ibon. Nandun at nakadapo sa kuryente.Nanginginig. Medyo nakalbo. Naalala ko: asan sila nung vagyo? S'an sila nagtago.? Pero buhay sila! Ng umulan ulit ng hapon, lipad sila, natatangay ng hangin. Pero kinabukasan, andyan na naman sila. Patong sa antenna ng tv sa bubong. Mga beterano ng vagyong Pedring. At naisip ko.....naawa ako sa kamay ko, pero me ipinakita ang Diyos sa akin sa pamamagitan ng mga ibon. Di sila nagrereklamo. Pagkatapos ng mala-demonyong vagyo, tuloy ang kanilang paglipad, ang kanilang paghanap ng pagkain, ang kanilang pagkanta. Me nalagasan ng balahibo, merong pilay, merong nakalbo (ako, medyo nakakalbo pa lang), pero patuloy silang umaawit tuwing umaga, tila ba nagbibigay papuri sa Maykapal.

     Di ako dapat mag inarte sa sinapit ng aking kamay. Tama na ang emote. Magpasalamat ka Paul, sabi ng ibon. Binigyan ka ng Diyos ng mga kamay na maraming alam gawin. Kaya ka niya binigyan ng ganyang mga kamay para gamitin mo sa kanyang ikapupuri, sa pagtulong sa paglikha ng mga bagay na ikasisiya at ikatutulong ng kapwa.Hindi ka Niya binigyan niyan para lang pangulangot o pagtanggal ng tinga. Oo, sabi ko sa sarili ko...Salamat Lord (hiya-attitude), sa mga kamay na ito. Bawat pawis na tumulo, bawat dugo na umagos, ay alay ko sayo, dahil ang lahat ng ginagawa ko ay dapat para sa iyo. Salamat sa kamay ko Lord, Salamat.......(teka, je-jebs muna ako....wag mag-alala..maghuhugas ako kahit pagod ang kamay ko sa pagtype ng binabasa mong blog ko.)

Setyembre 16, 2011

Kokon ban....

     Lahat tayo ay nagdaan sa pagdrowing. Mula ng maliit pa tayo, naging bahagi natin ang pagsusulat, at ang umpisa'y tila kalahig- manok, hanggang sa tayo ay matuto. Sa kindergarten pa lang, tinuturuan na tayo magsulat sa papel at kasabay nito ang pag-do-drowing. Madalas tayong masita, kasi, ginawa natin papel ang dingding ng bahay: puro linya, me bilog, bulaklak, taong tingting, araw, ibon na hugis puwet na baligtad.....

     Sa amin nuon, napagalitan ako kasi pentel pen pa ginamit ko. Me crack yung dingding, at ginuhitan ko ito. Ginawa kong kidlat. Ayun, tinamaan ako ng mag-asawang kidlat na palo sa wet-pu. Hanggang nagumpisa akong mag-aral at natutong gumamit ng kokon ban. 'Wag mong sabihing di mo alam ito. Ganito naman ang tawag natin sa papel di ba, kokon ban. Oo, coupon bond o tawag ng ibang sosi, typewriting paper. Sosi, kasi yun mga babae kong kaklase  nung elementary ay yun ang tawag nila. Kaming mga lalake, kokon ban.

     Iba't ibang klase ang papel na kokon ban. Nung panahon ko, madami na ito, pero gustong-gusto ko yun makinis na makapal. Corona ata yun? Kasi, ang pinapagamit sa akin ng nanay ko, yun manipis na papel at mukhang madumi. Pero kahit ano pa, mas masarap mag-drowing dito kesa dingding o notebook. Kukuha ako ng isang larawan, at babakatin ko sa kokon ban. Gawa ako ng mukha,  hayop, at minsan, gumawa ako ng hubad na babae. Ayun, halos bigtiin ako ng nanay ko.....

     Me papel ang papel sa buhay ng isang artist. Dito nabubuo ang mga ideya na naglalaro sa malikot niyang imahinasyon. Ang pinasikat na kantang Hey Jude ng The Beatles ay sinulat sa kapirasong papel, yung me guhit pambata para tuwid ang sulat. Ang mga obra ng mga maestro ay nagsimula sa paggawa ng doodles o thumbnails sa kapirasong kokon ban. Sa kokon ban nabubuo ang isang ideya, at kung sa tingin ng artist na hindi akma ang ginawa niyang ideya, lulukutin niya ito ng lukot na lukot, at kapag lumambot na ay dadahin niya ang papel at gagamitin sa inidoro.........


     Ngayon, sari-saring kokon ban ang mabibili mo. Madaming papel, me construction paper sa paggawa ng crafts. Me drawing pad, oslo, waterclor paper, acid free paper, computer paper, white wove, onion skin (bat alang tomato skin?), tracing paper at marami pang iba. Isang klase ng papel, para sa isang klase ng gawa. Ang pinagpunit-punit na dyaryo na papel din at ang tawag ay newsprint ay maaring pagdikit-dikitin at gumawa ng isang paper mache o dili kaya, isang maskara. Andyan pa din si kokon ban, loyal at handa na gamitin siya bilang isang panimula sa isang ideya, o pede din gamitin sa inidoro.

     Katulad ng lapis at ng brotsa, ang tao ay isang papel. Manipis. Madaling masaktan. At kapag binayo ng todo-todo, napupunit, nawawarak. Madaling malagyan ng dumi, at kapag nalagyan ang kokon ban ng dumi, kapuna-puna kaagad, kasi, amputi ba naman ni kokon ban. Pag nalukot, kahit plantsahin mo, mababanaag pa ang dating lukot. Pag nabasa, dapat kang hinay- hinay sa pag-alsa, kundi, masisira ito .(Kaya kung me kilala kang basang-basa na ang papel sa buhay mo, 'wag mo ng patulan at masisira yung taong yun.) Hindi natin maiwasan ang mga pagsubok, trahedya, mga badtrips at hassles. Kasama sa buhay yan. Pero kagaya ng kokon ban, dapat tayong handa: handang gamitin ng Maykapal, handang madungisan, handang malukot at handa rin naman maging bahagi sa isang ideya para sa isang ubod na gandang Obra. Yung papel na ginamit ng Beatles sa Hey Jude ay isinali sa isang auction at ito'y nagkamit ng napakataas na halaga!!! Papel na gawa ng tao nguni't  nagmula sa isang punong kahoy na ginawa naman ng Maykapal.Oo, kokon ban, simple lang pero andaming papel sa buhay ng artist at sa buhay ng tao. Kaya nga ang tao, pag panay paporma, ang tawag, mapapel. Ikaw, kung ika'y isang kokon ban,  ano ba ang papel mo sa mundo? Pang obra maestra ba, o pang-inidoro?

Setyembre 11, 2011

May Luha ang Pasko....

     Kanta ni Victor Wood yan.....me plaka kami niyan kasama si Pilita Corrales at Madrigal singers. 1970s. Ewan ko ba ke pareng Vic, paskong-pasko, luha ang kinakanta. Di ba dapat masaya pasko? Hindi kaya dahil ke Madame Auring? Ah... luma na ba yung tsismis? Luma naman sila paleho.....yun plaka, kako.....

     Isang araw ng Disyembre, kinausap ako ng isang taga-simbahan. 1990 pa ito. Gumawa daw ako ng painting na gagamiting backdrop sa altar. Para sa Simbang Gabi. Gusto ng paring Indian na sa siyam na gabi, me backround ang altar ng isang Nativity scene. So, kako, e di madilim, gabi, tapos, walang ulap pero me kumukuti-kutitap na mga bituin. Me Tala. Tapos, tapos, yun silhouette ng Bethlehem. Tapos,tapos, me kaunting puno, me kaunting tupa, at kaunting pastol. OK ba Padz? Ok daw. So, lakad, punta sa bookstore, bili ng materyales.

    Apat na malalaking illustration board, yung isang buo . Acrylic paint. Brotsa. Uwi. Naligo at nag-umpisang magpa-inspire. Nagpatugtog ako ng mga pamasko. Di ko sinalang si Victor Wood. Yun ke Bing Crosby, yun White Christmas. Ganda.......Nilabas ko sa harap ang aking mga gamit. Ready na. Inspired na. At sinimulan kong gawin ang sky.....Kuha ng Pthalo Blue, Paynes Gray, Mars Black....mix....pahid gamit ang flat brush....Gawa ng horizon, silhouette ng Bethlehem.....ayos...ganda. Lagay ng kaunting bituin , kumukuti-kutitap (2x)......ummmmm....chestnuts roasting on an open fire....jackfrost nipping at your nose.....
mga anak at pamangkin ko po ito, nung sila'y mga inosente pa...
    Me mga batang paslit na nasa gate. Nanunuod...."Ay, pasko!!!" anila... hehe..Di pa man tapos, alam na agad ng audience na batang paslit na paskong- eksena ang ginagawa ko. Epektib!!! hehe..Yabang ako, laki butas-ilong.....

     "WALANGHIYA KA!!!!    Sira Ulo!!!    G_G_!!!!    @%#$^%@!$# Boom!!!   CRASH!!!!! uwaaaaa (palahaw ng sanggol)...uhaaaaaaaaaa....SIGE! SUBUKAN MO!!! PAPATAYIN KITA!!!! waaaaaaaaaaa (iyakan ng mga bata...) Mga tunog ng hinahagis na kagamitan ......balibagan ...pak....spak....

     Sa tapat ng bahay nanggaling ang mga sigawan. Nag-aaway mag-asawang Ite at Janet. Walo anak, sunod- sunod. Panganay 8 yrs. old, bunso, 6 na buwan. Plantsadora namin si Janet. Si Ite, me trabaho pero pag nalasing, yun ulo, asa paa, at yun puwit nya ang nakakabit sa leeg. Sa madaling salita, pag lasing, wala sa sarili. Away na naman..... Sanay na kami. Sanay na ang mga kapitbahay. Walang umaawat, dahil nung panahon na iyon, ala pang Women and Children's Desk. Pati mga pulis sa kanto na kakamot-kamot sa tiyan, ayaw makialam sa away mag-asawa. Sa loob pa man din ng bahay...PAk!! Sampalan na naman. At unti - unti, ang brotsang hawak ko ay nag-iba ng pitik. Naging madiin ang pagpinta ko....Sapak   ..Pahid pintura....BALIBAG....sawsaw bigla sa itim na kulay.... UUUHAAAAAAAAAAaaaaaaa......Pahid ng madiin ng brotsa.....

"Ay, yun pasko, naging bagyo!" utal ng batang- paslit na audience ko kanina pa...
"Di yan pasko, gumagawa siya ng penting ng bulkang sumasabog" anya naman ng isa pang unano....
Nakita kong pumangit ang pinta ko. Nagmukha ngang isang tagpo sa loob ng isang ipo-ipo. Magulo, madilim, maiitim. Nawala ang mga bituin, at di mo na makita ang tala. Sumama ang loob ko at nawalan ng gana. Tumigil na rin pala ang sinalang kong christmas carols......
     Minsan, sa sandaling me mga pangyayaring di kanais-nais, madali tayong maapektuhan. Sa isang iglap, ang saya, biglang me bad trip, bad trip na rin tayo. Ang pangit ano!?! Pero, ngayon, mahigit 20 yrs na ang lumipas, at di ko alam kung asan na sila Janet at Ite, naisip ko: Dapat, nuon pa, kinausap na namin sila. Pinayuhan. Dapat, nakialam kami. Humingi ng tulong sa kinauukulan. DSWD. Pulis. Meyor.Kay Cory. OO, dapat nuon pa, naging concerned na kami. Dahil din sa kawalan ng malasakit, ano na kaya ang nagyari sa kanila? Kung pinayuhan kaya namin si Ite, di siguro mangyayari ito. Kung sinabihan namin si Janet na kapag sinasaktan siya ng asawa niya, dapat ireklamo nya sa pulis, di sana palaging me black eye siya, at baka 4 lang anak niya. Kasi naman, tuwing mag-aaway sila, kinabukasan buntis ulit si Janet.

     Kailan ba tayo dapat kumilos? Kailangan bang makialam tayo? Oo, dapat tayong kumilos para maiwasto ang mga mali. Dapat tayong makialam kung ang mundo sa paligid natin ay dumidilim; kapag natatakpan ng itim ang dapat sana'y mga bituin. Me kasalanan si Ite, me kasalanan si Janet. Me kasalanan ako, at ang mga kapitbahay ko. Walang kasalanan ang mga bata. Pero paglaki nila, paano? Namulat sila sa ganuong mundo. Si Kristo ay isinilang sa isang sabsaban,  ala pang aircon, at walang kama. Madilim at maitim ang mundo kinagisnan Niya. Pero Siya ang me dala ng ILAW, at nagliwanag muli ang mundo. Sa pangyayaring aking nai-kuwento sa inyo, nagkaroon ng Luha ang Pasko, ngunit di pa huli ang lahat. Me mga pasko pang darating, me mga Janet at Ite pang makikilala, at sana, kapag naulit muli ang kanta ni Victor Wood,  mapalitan na ito ng "all is calm...all is bright.."

Brotsa.....Brush

   Brotsa. Brush yan, mga iho't iha. Brush na pang-pinta. Pang pinta ng bahay, ng canvas, pero yun tutbras, sepilyo tawag, dili brotsa. Ang pangit naman sabihin i-brotsa mo ipin mo, di ba?

       Teka, bakit ba sa iba, medyo nadudumihan sila sa salitang ito? Ewan ko. Maaring binigyan nila ng ibang connotation. Pero sa isang artist na katulad ko, kahit tagalog, mas tinatawag naming brush at brushes ang gamit namin kaysa brotsa. Kapag tinawag naming brotsa ang brosta (ang coolet), yun yung ginagamit naming pang-alis ng dumi sa electric fan o dili kaya, yun pampahid ng puting kalburo sa nitso.(kaluluwang tambing....)

       Iba-ibang hugis ang brush ng artist:
1. patulis o rounded-eto ang pang detalye
2. flat- eto ang pampahid ng pintura ng mabilis at maraming area ang mapipintahan
3. bright-parang flat pero mas maiksi ang bristles nito. ginagamit ito kapag gustong mas malapot ang ilagay na pintura o kapag impasto ang istilo
4. filbert-parang flat pero medyo kurbado dulo. pede itong pamapahid kagaya ng flat at makagagawa ng mga pintang detalye sa brotsang ito
5. angle- parang  filbert, pero ang dulo ay angle shape
6. fan- parang pamaypay ng duwende,  na madalas gamitin pang pinta ng mga ulap, damo (dili maryjane), at pagpinta ng malalapad na area.
7. Andyan din ang iba pa - liner, rigger, mopper....nakakatuwang pangalan ano...pero di nakakatuwa ang presyo.hmpp!!!

       Iba-iba rin ang size ng mga ito, mula maliit-palaki. Ngayon, sa tatak, marami ito. Natural, yun gawa sa labas, lalo na from Europe o States, mahal ito. Me brush na libo ang presyo. Me brush din local o Tsina. Mas mura. Pero ano ang sikreto ng magandang brush? Una, dapat itong magandang kumuha ng pintura, yung sumisipsip ng maayos. Tapos, hindi ito nangunguluntoy kapag basa! Dapat, maganda pa rin ang porma, yun para bang ala siyang dalang pintura. At maganda ang "bounce back"-yun pag pinahid mo, mag bounce back sa original form. Nakikita niyo ba mga patalastas ng shampoo? Ganun, parang buhok ng tao ng nag ba-bounce-back. At ang abilidad nitong humawak ng pintura. Hindi maganda yung tutulo ang pintura ng basta-basta, na para bang sipon na di mo pa sinisinga, tutulo. Bad Trip di ba? At kapag pinahid mo na, maganda ang bigay na tulo nito. Paano ka pipili? Op kors my friendship, I recommend buying good quality brushes. Kahit di ka pa marunong magpinta, pero hilig mo, mag-invest ka nito. Marami ka mapipili sa mga art supplies sa mga naglalakihang department stores. Mahal ito ha, lalo na yung natural hair ( buhok ng squirrel, kabayo, o kambing) kaysa synthetic (nylon). Wag na wag balaking kunin ang wig ng mga lola niyo at gumawa ng sariling brush.
Kapag tinatamad magpinta, maglaro ng angry birds....
 
   Meron ako ng karamihan sa nakalista dito. Meron akong mamahalin, pero bumili rin ako ng lokal. Pare-pareho ko itong iniingatan, nililinis ng maayos. Hinuhugasan maige pagkatapos gamitin. At tinatabi sa maayos na sisidlan kapag gusto kong maglaro ng angry birds. Parang talento na bigay ni Lord. Magaling ka bang kumanta? Kantahan mo si Lord sa pamamagitan ng pagsali sa singing ministry ng inyong simbahan, kapilya,  o kung ano man ang relihyon nyo. Maganda nga boses mo, kung sa beerhouse ka nagkakakanta, sayang.(Puro Bikining Itim ang kinakanta mo!) Magaling ka bang magsulat? Aba, gawa ka ng blog o libro at gawin mong paksa ang magagandang ibinigay ni Lord, o dili kaya, mga kuwentong me aral, hindi yung kwento sa Tiktik o kaya yun bastos na kwento. Drowing, magaling ka? Ok, drowing ka, wag naman yun makakasakit ng iba. Arte, hilig mo? Aba, sali ka ke German Moreno o sa Talentadong Pinoy, wag dun sa sinehan sa Pasay na naghuhubad ang mga palabas. Luto, masarap ba luto mo? Aba, penge......Ibig kong sabihin, aba eh, magnegosyo ka! Maganda kita dyan. Pero dafat, tutoo ha. Kapag sinabi mong  goto, eh laman-loob ng baka yan, hindi kalabaw. At kung kalabaw, sabihin mo sa kustomer. (Alam niyo sa Fairview, me lugawan malapit sa FEU Hospital, ang goto nila run, kalabaw.......oo....maitim siya...)
       Ganito dapat tayo sa mga ibinigay na talento sa atin ni Lord. Katulad ng mga artist na ubod ng ingat sa kanilang mga brotsa, ganyan din sana tayo sa mga talentong ipinamahagi ni Lord. Iba't -ibang talento, iba't-ibang brushes. Iniingatan, ginagamit sa kabutihan. Ipagmalaki mo, oo, pwede, pero ipagmalaki mo si Lord, na nagbigay nito at ipinagkatiwala sa'yo. Ating tandaan, darating ang araw na isasauli na natin ito sa Kanya. Darating ang araw na mauupod ang brotsa. Pero sana, sa pagka-upod nito, maipagmalaki natin sa Kanyang harapan na ang BROTSA na ipinahiram Niya, ay nagamit natin ayon sa Kanyang kagustuhan.

"brush, brush, brush your teeth, brush it everyday......merrily, merrily, merrily, merrily, life is brotsa dream...."

Setyembre 9, 2011

Que Horror!!!!!!

     " Habang tahimik na gumagawa ng isang dibuho, napansin niyang tila may mga matang nakatingin sa kanya. Siya lamang ang tao sa lumang bahay, at napakatahimik ng paligid, palibhasa ay oras ng siyesta, at ganun naman sa probinsiya kapag patay na oras. Nguni't patuloy siyang naabala sa kanyang obra, dahil tila may mga yapak naman siyang naririnig. 'Creakkkk....(langit-ngit ng sahig na kahoy)....creak..." May naglalakad sa likod ko!!!! "

     Bago pa mapunta sa kung saan sa kwentong ito, baka magtaka kayo. Horror? Opo. Artist? Opo. Buhay Katoliko? Opo. Ba't me horror? Kasama po yan sa buhay...subukan niyong mag-asawa.....ooooppppsss....mahal na mahal ko po ang asawa ko. Sadyang matabil lang po ang dila ko.

     Matagal akong nanirahang mag-isa sa isang lumang bahay. Naitayo ito nuong 1950. Tumira ako dun mula 1997 hanggang 2007. Bahay ito ng mga lolo at lola ko sa ama. Higanteng bahay, up en down. Bulok na. Gaano kalaki? Ang lupa ay 1,000+ square meters, at ang bahay ay may floor area na mahigit 500 metro kwadrado (taas-baba). Dun ako sa taas, dahil sa baba ay paupahan sa mga opisina. Sa taas ay may 5 kwarto at ako lamang ang nakatira dito. Parang isang pirasong palito sa loob ng bahay posporo-kakalog-kalog.
Kuha ito sa probinsiya ng Cotabato nuong 1998




     Siyempre, nung bago pa lang akong naninirahan dito, medyo nanibago, kinilabutan. Lalo na kapag gabi at black-out, nguni't unti-unting akong nasanay, at dumaan ang taon, kahit walang kuryente, kabisado ko na ang paikot- ikot ng hindi kakapa sa dilim. Mayroon akong nilagay na imahe ng Sacred Heart, at nilagyan ko ito ng vigil lamp; yun bang kukurap- kurap na bombilya na kulay pula. At meron din estatwa ng isang Santa, si Santa Teresa. Pero luma na ito, kasinlaki ng batang 12 anyos, basag ang mata at nakaluwa na. Antik daw ito, at pag-aari ng simbahan, pero mukhang nalimutan na ata. Nilagay ko ito sa tabi ng Sacred Heart.

     Sa isang bahagi ng bahay, tapat ng sala, me azotea o terrace. Doon ako naka puwesto, habang nagpipinta o drawing. Maganda ang puwesto: malaki ang pinto sa balkon, matatanaw mo ang plaza sa labas. Kaya araw-araw, andun ako gumagawa. Umaga, hapon, minsan inaabot ng hatinggabi. Pero isang araw, habang ginagawa ko ang isang painting na kinopya ko sa isang German Artist na si Spitzweg, ako'y balisa. Bagamat walang kaba at wala naman akong iniisip, tila may nagoobserba sa akin. Tumingin ako sa likod, andun pa rin ang santa at ang imahe. Nang bandang alas 2 ng hapon, nagsimula akong makarinig ng mga yapak. At dun tumindig ang balahibo ko at buhok sa may batok. Me naglalakad.... Tinitigan ko: Wala akong makita ngunit nadidinig ko ang yapak, naglalakad sa sala. Hala....lahat ng Aba Ginoong Maria, Ama Namin, halo-halo ng dasal!!!! Matinding takot ang nadama ko at tutoo pala na yung gusto mong tumakbo pero di ka makaalis-yung frozen ka! Pati na ang Santa Clarang pinong-pino eh napakanta ako.......





     Ilang sandali lang yun, pero para bang ubod ng tagal. Nang humupa na ang takot ko, tumigil ako sa paggawa. Pumunta sa harap ng Sacred Heart. Nagdasal. At pumasok sa isipan ko ito: Kung minsan, kumpyansa na tayo sa ating buhay. Kampanante at trabaho lang ng trabaho. Walang napapansin. Walang kasing may sakit, maayos naman ang lagay ng pamilya, kaya ayun, naka focus lang sa trabaho. Pero meron mga nangyayari na di natin nakikita. Sinabi  ni San Pablo na may kalaban tayo, mga espiritong di natin nakikita. Kaya naging isang paalala ito sa akin. Humingi ako ng proteksyon sa Panginoon. Proteksyon sa mga masasamang espirito. Hindi natin masyadong binibigyan ng emphasis ang mga bagay na ito ngayon dahil hindi na panahon nila Conan d Barbarian. Pananhon na ng laftaf, ng MP4, ni Lady GAga. Pero tutoo, andyan sila, patuloy na nagbibigay kaguluhan sa tao.

     Hindi ko nais bigyan ng focus o attensyon ang mga Diyablo. Pero dapat din natin alalahanain na mismong si Hesus ay nagbabala sa atin dito. Ano ang pinakamainam na panlaban sa kanila? Pagdarasal, pagaayuno, pagpapanatiling nasa grasya ng Panginoon. Natakot ba ako? Oo nung umpisa. Ngayon, hindi na.Sapagkat alam kong kahit anong panakot ang gawin nila, hindi sila mananalo sapagkat matagal na silang tinalo ni Hesus sa Kalbaryo.Kaibigan, huwag kang matakot. Kapiling natin si Hesus palagi..

     Siyanga pala, natapos ko ang painting na ginagawa ko nuon. Binigay ko sa kapatid ko bilang pasalubong. Ang bahay? Naibenta na ng tatay ko nuong 2009. Pero walang tumira sa itaas. Nasa baba lang ang mga umuupa. At kapag gabi daw, sabi ng mga kakilala ko, may nakikita silang nakatayo sa azotea kahit hatinggabi na.........

Puti, Itim at Abo ng Setyembre.....

     Noon, Itim, Ngayon, Itim -Puti. Minsan, Abo. Siguro, 10 yrs. from now, puti na. Ang tinutukoy ko ay ang buhok ko. Mali. 'Ang natitirang buhok ko'.  Itim.....kung base sa pag-aaral, ito raw ay ang kawalan ng kulay-'the absence of color'. Kaya kung tutuusin, hindi color ang black. Ang puti naman ay ang combination of ALL colors. At ang gitna, o in-between, ay ang Abo o grey.






     Kapag ako'y nagpipinta, hinahaluan ko ng grey ang ibang mga kulay. Bakit? Kasi, sa isang larawan,  me subject na tinatawag na focal point ng komposisyon. Duon matutuon ang pansin ng tumitingin. At sa paligid nito ay dapat subdued lang, 'di gaanong detalyado at matingkad, para di matalo ang subject matter. Natural, kung gusto mo ipakita ang maganda mong mukha sa picture kapag kino-kodakan kayo, ay hindi ka tatabi sa mas maganda pa sa yo, di ba? Kung puwede lang, hahanap ka ng pangit para makita ang komparison. (Uyy...susubukan niya yan..). Ganuon din sa art: sa paggawa ng komposisyon yung subject matter o focal point ang matingkad, malaki ang contrast, at yung nasa paligid ay madalang lang. Ang ginagawa ko, para di matingkad ang kulay, ay hinahaluan ko ito ng grey. Payne's Grey ang name ng kulay.

     Paano ba gagawa ng kulay abo o grey? Ganito: Kuha ka ng puti. Tapos, kuha ka ng konting itim. Haluin. Tikman.(hinde, biro lang..) Ayun, grey na! Mas madami puti, mas light na grey. Mas madami itim, mas madilim na shade ng grey. An dali ano? Oo, importante sa artist ang kulay grey. Syanga pala, tip: sa mga wrought iron works (sa madaling salita-yung grills sa bahay niyo, gate, at iba pa na bakal), elegante ang dating kung grey ang ikukulay niyo. Meron pong metal paint na mabibili sa hardware na grey ang kulay, pang bakal. Yun po gamitin niyo, payo ko.





     Dumarating sa buhay natin ang kulay abo. Hindi po buhok ang tinutukoy ko.Yung grey na in-between, o pagitan. Maalala ko, nung panahon ng hapon.....Nuong 2001, asa mindanao ako, me negosyo. Printshop. Maputi ang mga panahon na yun. Naguumpisa kumita, nakikilala ang pangalan ng negosyo na inumpisahan nuong 1998. Pero ng pumasok ang 2001, nagdeklara ng  giyera ang gobyerno laban sa mga moro. Eh alam niyo naman sa Mindanao, andun ang base ng mga Moro. At nung Setyembre na yun, ang puti ay unti-unting naging grey. Lumabo. Humina ang negosyo. Dumadami ang itim: maraming bombahan, maraming namamatay. At isang gabi, mga alas-9, ako'y nakatunganga sa harap ng TV na naka-cable, isang tagpo ang nakita ko: Isang malaking gusali, na ang likod ay ang maputing langit, ang naguumpisang labasan ng kulay abong usok. Akala ko ay sunog ngunit umitim ng umitim ang usok at ilang mintuo ang lumipas, gumuho ito. Ito ang World Trade Center sa New York, Sept. 11, 2001. Napapanood kong live sa CNN. Grey ang usok, grey ang alikabok.  Gumuho,  at grey ang itsura ng mga taong tumatakbo. An labo!!! Parang ang sitwasyon  sa aking negosyo. Nadadagan pa ng itim ang grey, at gumuho ang pangalawang building. Ang pangatlo. Nadagdagan din ng grey ang negosyo ko. Nasira ang isang makina ko ng xerox. Walang mekanikong gagawa dahil isinara ng army ang highway. Grey........

     Nangyayari ito sa ating buhay, minsan, dahil na rin sa atin. Naglalagay tayo ng itim sa ating buhay. Minsan, dahil sa ibang tao. Di maganda ang grey sa buhay pero importante ito, kagaya sa isang penting. Sa kulay abo, nakikita natin ang pagkakaiba ng itm sa puti, ng maayos at magulo. Kung walang grey, maari tayong manatili sa itim. Ang 'Grey" ang nagsisilbing daan natin patungo sa puti. Dito, makikita natin kung dapat bang lagyan natin ng 'puti' ang ang ating buhay. Dito natin nakikita kung tayo ba ay papunta na sa itim.Hindi puwedeng mawala ang puti. Ito nga ang kombinasyon ng lahat ng kulay. Ang itim ay ang kawalan ng kulay. Abo. Grey. Malabo ngunit  malaki ang naitutulong. Sa isang pintor, sa wrought iron, sa buhok, at sa ating buhay.

Pahabol: Grey kung British, gray kung American....at sa ala-ala sa mahigit na 3,000 libo katao na namatay nuong 9/11.......

Larawan sa Canvas

     Isa sa mga sumikat na kanta nuong dekada 70s ay ang kanta ng bandang Bread, at ang titulo ng kanta ay "IF". Ang iksi ano.Maiksi din yun kanta. Wala pang 5 minuto, tapos na. Ballad ito, parang love song. Peborit na tinutugtog sa plaka ng mga gustong maisayaw ang mga syota nila (ala pang cd, ipod, mp3 mp4 nuon) . At ang unang bahagi ng lyrics ay ganito: "If a picture paints a thousand words, then why can't I paint you....." (Kaya siguro IF ang title, kasi IF din ang unang word.)

     Eh sino naman di makakakilala ke Mona Lisa? Hinde yang nagtitinda ng sigarilyo dyan sa me labas ng gate ng PUP, matanda na yan. Ang tinutukoy ko ay ang Obra ni Leonardo da Vinci, yung babaeng nakangiti (depende sa iyo kung anong klaseng ngiti ang dating). Kakaiba daw ito, at di mo nga malaman kung anong nasa isip ni Mona Lisa (na kilala din sa tawag na La Gioconda ). 



"Bahay ni Lola" , Acrylic on canvass
     Ako ay gumawa na rin ng mga larawan sa canvas. Iba-iba. Merong landscape, may mukha ng tao, hayop, bulaklak at iba pa. Minsan ay gumawa ako ng mukha ni Hesus, habang siya ay nakapako sa krus. Dalawa sa artwork na ito ay ipininta ko sa tela, at ang isa ay inilagay ko sa board, at ginamitan ko ng style na impasto: ito ang istilo na paggamit ng palette knife imbes na brush sa paglalagay ng pintura. Magaspang ang dating nito, makapal ang mga kulay. Bakit ? Kasi, nais kong ipakita ang paghihirap Niya nuong oras na iyon, kaya ginawa kong magaspang ang dating, madugo ika nga. Sandali ko lang ginawa ito, mga 3 oras. Pero kapag impasto ang istilo, magastos ito sa pintura. Halos walang tubig akong ginamit sa aking acrylic paint. (Kaya sa larawan, uhaw si Kristo..)


"Jesus" Impasto, Board Panel





     Sa ating buhay, parang canvas. (Parang kanta ano..) Nagsimula ang  buhay na isang maputi, at malinis na canvas. Kung ano ang gagawin ko, yun ang magiging resulta. Pwede kong lagyan ng bulaklak, ng araw, ng matitingkad na kulay at kapag natapos, isang larawan sa canvas na kaaya- aya tingnan. Pwede rin namang gawin kong abstract ang larawan, yun bang ako lang ang nakakintindi. Kapag magulo ang buhay, parang abstract. Walang makaintindi sa iyo, at mahabang usapin para maintindihan ka. Pero kahit papaano, meron pa din makakaintindi.(Yun kagaya mong abstract din ang utak). Pwede rin gawin kong fantasy art, na laman lang ng pantasya ang guhit sa larawan. Meron din ganitong tao, na palaging nabubuhay sa pantasya: Tingin niya ay kakaiba siya sa lahat. Puwedeng ipinta ko ay isang madilim at magulong artwork, yun tipong pang- horror ang dating, gothic, macabre. Yes.Madilim na buhay. Pero palagay ko, mga bampira lang ang titingin dun.........

     Ang pagpinta sa canvas ng ating buhay ay nasa sa ating sariling desisyon.Kung ipipinta  ang ating buhay, mas mainam na ito'y malinaw, maiintindihan ng kapwa, makapagbigay kasiyahan sa mga tao, makatulong (kung maganda ang painting, madami bibili di ba, palangga?), at higit sa lahat, sana yun makagbibigay papuri sa gumawa ng canvas. Oo, minsan, kahit maganda ang pagkakapinta, nadudumihan ito, naluluma, kinakapitan ng grime, ng soot, at kung anu-anong anik-anik dyan (elements of nature, ika nga). Pero tingnan mo si Mona Lisa (hindi nga yang nagtitinda ng sigarilyo sa PUP!!!), yun asa Louvre Museum. 14th century pa yun!!!!  Kahit madaming anik-anik sa paligid,  wa-epek yan mga duming yan. Ang masisilayan ay ang magandang larawan sa canvas ng ating buhay. At nais ba nating makilala na isang  abstract na larawan? isang fantasy? horror? o ng isang magandang landscape o portrait na mala- Mona Lisa? Palagay ko ay pare-pareho tayo ng iniisip........

(Wag lang magpantasya na kamukha si mona lisa....)



Setyembre 8, 2011

Sawsawan

     Ang gulo nitong alaga kong Labrador. Kapag nandito ako sa garahe upang magpinta, palaging nakahiga sa tabi ko. Pag tumayo ako para kumain, o kaya'y pumunta sa CR, pagbalik ko, andun na siya sa puwesto ko. Madalas, madidinig ng kapitbahay na me kausap ako: "Sige, ikaw na kaya ang magpinta?!" Siguro, kung naniniwala lang ako sa reincarnation, baka naisip kong isa dating master artist itong alaga ko. Siya nga pala si Sassy, babae, 4 na taon na, at dalaga pa din. Itim na Labrador, pure breed, at tumitimbang ng 38 kilos. Oo, di na mukhang aso: mukhang baboy na itim.



     Naatasan akong magpinta ng isang imahe ng Birhen ng La Salette nuong Hunyo, at natapos ko ito nuong Agosto. Dinala ang print nito sa Pransya upang ilagay sa Museo ng La Salette, at ang orihinal naman ay dinala sa kanilang Shrine sa Silang, Cavite. Acrylic paint ang ginamit ko, at nakapinta ito sa watercolor paper na Arches ang tatak, galing pa ng Pransya. Sari-saring brush ang ginamit ko, at realism ang style na ginawa ko. Maraming kulay ang tinimpla ko, maraming oras ang ginugol (hindi google ha). Sa tutoo lang, umabot ng limang understudy ang nagawa ko bago ang huli na dinala sa Pransya. Sa paggawa ko ng artwork na ito, malaking bahagi ang partisipasyon ng sawsawan. Sawsawan ng ano? Ah, ito po ay ang sawsawan ng brush kapag gusto mong hugasan.....

     Kahit anong lalagyan ay pwedeng sawsawan. Plastik, babasagin. Basta medyo malaki, mataas. Alam niyo ba yun sisidlan ng Stick-O? O kaya yun bote ng Lady's Choice na Sandwich Spread. Pwede na rin yun container na galon ng ice cream. Nilalagyan ito ng tubig at dun binabanlawan ang mga brush kapag nagpipinta. Kailangan, madami kang sawsawan: meron pang over-all na panlinis ng brush, meron 2nd, at meron kang 3rd na sawsawan ng malinis na tubig. Minsan, kailangan mong mag-wash effect, at dito ka sa 3rd container kukuha ng tubig sa pmamagitan ng brush. Kailangan, malinis itong sawsawan na ito. Usually, ang gamit kong mga sawsawan ay malalaking tasa o mug. Para madaling buhatin at palitan ng tubig at madaling hugasan kapag kontaminado na ng madaming kulay.

Tayo man ay kailangan may sawsawan sa buhay natin. Madalas, pagod tayo sa trabaho. Burnt out na. Kailangan mag-relax. Mga mister ng tahanan-ang iba'y nag-go-golf, at ang ang iba'y nag-go-gulp.Ang mga misis, pagod sa bahay. Dapat naman kayong mag-spa. Humingi ng pang-spa sa asawa, siyempre! Sa mga mag-aaral, pagod sa mga gawain pang-eskwela. Paminsan-minsan naman, mag-dota o kaya, mag bungee jumping (weeeeeeeeee). Pero take note students: paminsan-minsan. Kailangan natin lahat ang makapagpahinga. Malinisan ang isip, diwa, pati kaluluwa. Kung puro dumi, gulo ang laman ng ating isipan, at napapligiran tayo ng mga pagsubok, dapat tayong humanap ng sawsawan. Isa sa mga ginagawa ko ay ang pumunta sa Adoration Chapel. Duon ako sumasawsaw sa Presensiya Niya. Sa mga hindi katolikong nagbabasa nito, maaring pumunta sa inyong bahay-sambahan, mosque, kapilya, at dun kumuha ng pahinga. Duon ka sumawsaw. Kailangan natin ma-revive, para sa muling pagkumpas ng kamay, isang malinis na brush nanaman tayo, puno ng sigla, at puno ng buhay. Ang brush na madalang masawsaw  ay tumitigas ang bristles. Ganun din ang tao: nagiging manhid sa paligid niya, nagiging matigas, at nawawalan ng saysay. Ang mga brush na tumitigas ang brotsa, ginagawang pamahid ng solignum sa anay, o dili kaya, ginagawa na lang panlinis ng dumi ng electric fan.

Sawsawan. Mga lugar na kung saan tayo ma-re-refresh. Meron isang sawsawan, na palaging andyan lang sa malapit: Ang iyong sariling kuwarto. Sa panahong ako'y pagod sa mga sari-saring gulo ng buhay, pumapasok ako sa aking kwarto, at duon, nakikipagusap ke Lord. Duon ako nagsusumbong, nagrereklamo, duon ako umiiyak. Duon ako nagkukuwento sa Kanya. At duon din ako nakikinig sa mga pangaral Niya, sa mga utos, tips, at duon din Niya ako binibigyan ng pahinga.

     Siyanga pala, ako'y nagkakape habang nagpipinta. Madalas, abala ako sa aking pagpipinta, di ko namamalayan na iniinom na ni Sassy ang kape. ko. Madalas din nasasawsaw ko ang brush sa kape ko. At madalas din mainom ko ang sawsawan ng brush. Okay naman ang lasa. Kulay halo-halo at lasang kape. Good day po.

Eraser ng buhay ko....

     Nakakatuwa ang mga eraser, lalo na ang ginagamit pambata. Yun bang sari-sari ang kulay, korte, at madalas, amoy kendi. Kaya nga ba madalas eh mas nauubos agad ang eraser ng bata, kaysa lapis. Masarap ngat-ngatin. Yung lapis na mongol, lasang hilaw na chesa, dili kaya, lasang serbesang nabilad sa araw ng isang linggo.  Ang mga eraser, wala ngang lasa, mabango naman. At malambot. Pwera yun eraser nang mongol ha, yun maliit na pula sa ulo ng lapis. Lasang aratiles na bulok yun.

     Importante sa buhay ng isang nagdro-drowing ang eraser. Aba eh, bago mayari ang isang obra, sangkaterbang burahan yan. Minsan nga, sa sobrang bura, napupunit na ang papel, kaya, ulit nanaman si dibuhista. Sa aming mga gumagawa ng portrait, may isang uri ng eraser kaming ginagamit. Dalawa pala. Ang una yung  white na kulay (gusto ko white eh), PVC-free (kung environmentalist ka), smooth, for pencil. Ito ang dakilang tagabura ng mga mali, at malimit ay sa lapis ito ginagamit. Ang pangalawa ay ang Gum Eraser, o tinatawag din Kneaded Eraser. Kulay grey ito, maliit lang, walang amoy, at malambot na parang clay. Pwede mo itong gawaan ng hugis, parang clay nga. Kaya pag wala pang pumapasok na ideya sa utak ko, pinaglalaruan ko ang gum erser. Gagawa ako ng hugis butiki, at ididikit ko sa refrigerator. Madalas magulat ang misis ko pag bubuksan niya ang pinto ng ref, kaya  madalas din akong masigawan.

     Hindi pwedeng walang eraser sa isang portraitist! Aba, kung gagayahin ko yung mga nasa hi-skul na ang ginagamit na pambura ay daliri at laway, baka yun portrait ni Bradd Pitt ay magmukhang Brod Pete. O sige, aminin ko na, ginawa ko rin yan nuon. Pero ibang kwento na yun. balik tayo ke gum eraser. Kapag naumpisahan na ang portrait, at kailangan me burahin pero maliit na parte lamang, diyan e-eksena si gum eraser. Ikokorte ito ng medyo patulis, para yung bahagi lang na buburahin ang mabubura. Di kagaya ng white, korteng kahon na maliit, pag ginamit mo, madaming mahahagip. At, eto ang masaya. Hindi nauupod ang gum eraser. Umiitim lang, sa dami ng tinanggal niyang dumi at mali. Kaya, kung bibili ka ngayon nito, me apo ka na, andyan pa yan. Kortehin mo ulit ng butiki at takutin mo apo mo. Binigyan ko nga ng pangalan ang dalawang ito: si Whitey, at si Blackie...

     Sa aking pagninilay- nilay (naks...), di ba't parang eraser din ang Diyos? Kahit anong dumi natin, kahit anong ginawa nating kabulastugan sa ating buhay, kung lalapit tayo sa Diyos at hihingi ng kapatawaran, erase yan ke Lord. Si Pedro, pinatawad. Si Magdalena pinatawad. Ang mga paganong naniwala sa Kanya. Ikaw. Ako. Lahat ay inaanyayahan Niya na magbalik-loob, at handa rin Niyang BURAHIN ang dumi ng kasalanan sa atin. Si Hesus, na dinala ang kasalanan ng sanlinbutan, ay naupod sa krus, umitim sa dumi ng mundo, pero ang kapalit nito ay ang pagkakasagip ng tao sa kamatayan at pagkatalo ng kasalanan. Minsan, kung matindi ang mali, ini-sno-pek na tayo ni Lord. At kung ang dumi natin ay mala-pentel pen na, me remedyo si Lord dyan. Basta gusto talaga nating magbago, at handang magbalik-loob at sumunod sa Kanya, me pambura Siya sa dumi natin. Lalabhan Niya tayo, gagamitan ng zonrox, at kukulayan ng puti..........teka.......hindi naman literal ang ibig kong sabihin. Sa pagpunta natin sa Sakramento ng Kumpisal, ganyan ang nangyayari: nalalabhan tayo(sa pamamagitan ng Kanyang representative sa lupa, ang pari), at muling napapaputi ang ating mga kaluluwa (kapag tayo ay binasbasan na muli ng pari) sa pamamagitan ng Espirito Santo.

     Kaya nga mahal ko ang mga eraser ko. Kapag medyo mauupod na si Whitey, bibili na ako. At kapag medyo umiitim na si Blackie, kahit okey pa, bibili na muli ako. Importante sa artist na katulad ko ang eraser. Pero mas lalong importante ang Diyos sa ating buhay. Kapag tayo'y nadumihan, 'wag mag-atubili: Bumalik sa Kanya. Huwag nating antayin na permanente na Niya tayong burahin sa mundo.

.......Ako, Lord, wag mo muna akong burahin sa mundo ha?! Mag-e-enjoy pa ako gumawa ng art at blog.

Setyembre 6, 2011

Acrylic Varnish

     Malapit lang kami sa SM. Isang sakay lang, mga 20 minuto, andun ka na. Madalas ako dun, sa National Bookstore, kasi, duon ako madalas bumili ng mga gamit ko sa pag-drawing at pagpinta. Normal na ang isang oras ako sa pag-iikot dun, tapos, punta naman Booksale para tumingin ng mga magazine ng WWE at MMA. Fan ako ni Undertaker at ni George St. Pierre eh. Tapos, kung me pera pa, kain sa Jollibee o KFC. Pero mas gusto ko KFC.

     Naisipan kong bumili ng Acrylic Varnish. Nag-withdraw ako ng pera sa bangko, at  namili ng mga art supplies ko.Ang acrylic varnish ay isang likido na ipinapahid sa isang artwork na acrylic paint ang ginamit. Tubig ang pinanghahalo sa acrylic paint, kaya, walang amoy, at mas gusto ko ang water-based paints, gaya rin ng watercolor, kaysa sa oil paint. Ang varnish ang nagbibigay proteksyon sa artwork. Proteksyon sa dumi, sa panahon, at sa mga tao na mahilig hipuin ang artwork kapag naka display. Oo, me mga taong ganun,  kahit nakalagay ng 'Do not touch' hihipuin pa at dudutdutin.Tapos titingnan ang daliri. Ewan ko kung bakit. Baka akala, kumapit ang pintura sa kamay. Nakabili naman ako kaagad, sandaling nag-iikot at lumabas na sa SM, at tumanga duon sa taxi stand. Maaga pa at ayaw ko pang umuwi kaya ako'y nagmatyag sa paligid.

     Maraming tao nun, at mayroon akong nakita na isang nanay, na me kasamang batang babae, at siguro, asawa niya yun lalake. Mukhang may pera - mga mestisuhin, mapupula ang pisngi, at maayos ang pananamit. Medyo semi-formal nga ang suot, may alahas, pati yun batang babae na sa tingin ko ay mga 10 taon gulang, naka bestida ng sari-saring bulaklak ang disenyo.May inilalagay silang mga groceries sa likod ng nakaparadang taxi. Marami silang ipinamili, kaya ang lalake at yun driver, abala sa paglalagay sa trunk, samantalang ang ina ay abala naman sa paglalagay ng mga maliit na grocery bag sa pasaherong upuan ng taxi. Naka-tanga ako sa kanila, mga 4 na metro ang layo ko. Hawak ko ang ipinamili kong art supplies.

     Ilang sandali, napatingin sa akin ang nanay. Matalim ang mata niya, at bigla niyang hinawakan ang anak niyang babae. Nagtaka ako: bakit? Dahil ba sa itsura ko? Nakatayo lang ako dun, hindi gumagalaw, hindi nagsasalita. Ano ang nakita niya sa akin at para bang nakakita siya ng pedophile? Dahil ba hindi ako nakapag-ahit ng umagang yaon? Ang suot ko naman, maong at puting t-shirt. Ordinaryo. Nakasapatos naman ako at naligo....Ba't ganun? Tapos, ng mapalapit ang asawa niya, bumulong si babae, at muli, tumingin silang dalawa sa akin. Huh??? Madali nilang nilagay ang groceries, na para bang me mang-aagaw ng bola sa basketball, bantay-sarado, at sumakay kaagad sa taxi. Medyo naiinis na ako. Sa loob-loob ko, 'ano palagay niyo sa akin, snatcher? ' Eh kaka-withdraw ko pa lang ng pera, mga 10 thousand ang dala ko. Sa tutoo lang, nainis ako sa tingin nila. Habang umaabante na ang taxi, bumulong pa si lalake sa driver ng taxi, at tumigil ito sandali, at tumingin ang driver sa akin. Oo, sa akin, kasi, ako lang ang nakatayo dun. At umalis na sila.

     Pumasok ako sa loob, nagpunta sa CR. Tiningnan ko muna sa salamin baka naman me nakalagay na maskarang impakto sa mukha ko. Maayos naman. Alang dumi, me konting balbas- bigote. Ala namang dumi sa damit ko. Eh anong nakita nila na pinagdudahan ako ng ganun?

     Sa aking paguwi, nakalimutan ko ang excitement ko sa bagong art supplies ko. Ang nasa isip ko ay ang pamilyang mata-pobre o mapang-husga. Masama ang loob ko, galit ako. Naglakad ako sa kalye ng subdivision, laman pa rin ng isipan ko ang itsura ng pamilyang yun. Kung anu-ano pumapasok sa isip ko: Sana, sinmpal ng perang dala ko, sana tinarayan ko, sana tinaasan ko ng kilay ( kaya ko yun itaas ang kilay ko pati nguso ). Pero napatigil akong bigla: Isang tinig? (di ko alam, ala namang sound) ang nadinig ko sa aking isipan: "Di ba, ganyan ka din, mapanghusga sa kapwa?" At biglang nakita ko sa aking isipan ang mga panahon na ako'y nagduda sa isang tao sa jeep, na akala ko ay holdaper, dahil mukhang holdaper, pero di pala. Minsan na akong nagduda sa isang babae, na akala ko ay prosti, yun pala, guro. Minsan na akong nagduda sa humihingi ng abuloy, akala ko sindikato, yun pala, tunay na namatayan. At bigla akong natameme...at nahiya sa sarili.....

     Oo, pareho lang ako sa pamilyang yun. Minsan ay dumating ang panahon na ako'y nanlait-nanghusga. At naramdaman ko na masakit pala ang ikaw ay mahusgahan ng di tama.Naalala ko si Hesus, na hinusgahan kahit wala siyang ginawang mali. Nakaramdam ako ng pagsisisi, at ako'y humingi ng tawad sa Kanya. At nagdasal upang patawarin ang pamilyang tila humusga sa aking itsura.

     Bakit Acrylic Varnish ang titulo? Kailangan natin ng barnis sa ating buhay.  At yan si Hesus. Kapag merong nakasakit sa atin, nakagawa ng di tama, ang tendency ay mag-react agad. Pero kung tayo ay napahiran ng barnis, hindi kaagad tayo maapektuhan. Kung me tukso (dumi/kasalanan), kung may gustong manira, at kung ano pa, at tayo ay lumapit sa Kanya upang mabarnisan, tiyak kong tayo ay protektado, kahit ano pa ang mangyari. Tayo ay isang obra Niya at Siya rin ang nagsisilbing Barnis sa lahat ng dumi, tukso, at sa isiping di kanais-nais.

     Panghuli, di ko na nakitang muli ang pamilyang yaon. Sana, mali ako ng inisip sa kanila. At kung tama naman ang aking sapantaha, matagal ko na silang pinatawad. At bago ko makalimutan, yung binili kong acrylic varnish ay nawala. Nalaglag siguro sa aking pagbyahe pauwi at di ko alam saan napunta. Nawala ang barnis sapagkat ang una kong reaksyon ay galit at muhi.Napilitan akong bumili muli sa aking pagbalik sa SM.Yun lang ang nawala. Ang mga pangkulay ko, lapis at iba pang supplies ay intact. At kung maulit muli na may tumingin sa akin nang ganuon, alam ko na ang iisipin ko: Nagwagwapuhan sila sa akin...bow....

Lapis

      Kamusta? Ako ay OK lang. Eto, nakaupo sa harap ng laptop, sa tabi ng aking drawing board. Nakakalat ang sari-saring lapis na gamit ko sa mga ginagawa kong drawing. Trabaho ko ito nuon pa, at sabi nga napapagkwentuhan sa pamilya, nuong ipinanganak daw ako, me hawak akong lapis. Oo, 'di naman sa nagyayabang, medyo magaling ako sa drawing, . Isang talento na ipinagpapasalamat ko naman talaga ng buong-buo sa Diyos.

      Marami na akong ginawa: mga mukha ng tao, pagpinta ng mga landscapes, pag drawing ng mga cartoons, disenyo ng bahay, at marami pang iba. Meron mga isinali sa contest - nanalo, natalo, hindi napansin, binigyan ng parangal. Me mga gawa akong binayaran ng mahal, peso, dollar, dinar, riyal,pero marami rin akong ginawang artworks na hindi binayaran - ang iba'y itinakbo pa. Pero okey lang kasi para sa akin, kapag nasiyahan ang tao sa gawa ko, daig pa niyan ang milyong piso na bayad. Ang iba kong mga gawa ay nakarating na sa ibang bansa at isa sa pinaka malayo narating ay sa United Kingdom. Oo, umabot dun, mula Pilipinas. Meron pang umabot sa Pakistan, nguni't sa kasamaang-palad, kasama itong sumabog sa isang malagim na suicide bombing nuong 2010. Pero paborito ko ang LAPIS. Simple, mura, at madaling mabili, kahit saan. At kapag tinatamad akong mag-drawing, ginagawa ko itong stick ng tambol habang nakikinig ng Led Zepellin.....

        Lapis. Ordinaryong gamit mula nung kinder pa ako. Nginangatngat pa nga ang eraser ng Mongol, pero ang pangit ng lasa! Sabi-sabi, kabado daw ang bata kapag nginatngat ito, me inferiority complex. Kumain din ako ng eraser nung kinder ako, kasi nainggit ako sa katabi ko. Pero ngayon, di na mongol gamit ko. Iba-iba: meron faber castell, colleen, derwent, meron gawang tsina (ok siya, in fairness). Matagal ko ng gamit ang lapis pero ngayon ay pinagmamasdan ko sila. Maulan at tinatamad akong mag-drawing. Hmmmmm.....panay ang tasa ko, nauupod, pero kailangan tulis dahil ang istilo ng gawa ko ay realism - tulad ng isang photograph. Kapag mapurol, ang pangit ng guhit. Di pwedeng detalyado ang gawa. Meron akong HB na lapis, pang-umpisa. Magaan gumuhit, pino, matigas. Parang tao: me kaya, de bueno familia, pino kung kumilos, malinis. Meron din akong B-mula 2b hanggang 8b, na maitim. Parang pinoy, kayumanggi, habang tumataas ang number, umiitim at lumalambot.  Sa experience ko ha, yun medyo maiitim ang balat na tao, mas close sa akin. Ewan ko kung bakit. Ako ay 5b ang kulay. Tapos, meron din akong E na lapis. Ang ITIM. Malagkit. Madumi. Bihira magamit, pero me mga panahon na sila ang nagbibigay buhay sa isang drawing dahil kailangan ng play ng light and shadows. Me white pencil, bihirang magamit pero minsan nandito ang magic ng drawing. Meron din akong mechanical pencil. Maninipis, parang payat na tao, halos di tinatasahan, pero madaling mabali. Parang tao, na kapag me problema, madaling bumigay. Sari-saring lapis, iba't ibang katangian, lahat me papel/responsibilidad sa drawing, merong bida, merong extra, pero walang akong nakitang kontrabida.

..........Parang tao. Meron sikat, me tahimik, nasa tabi lang. Me gamitin, merong bihira magamit. Pero sa kabuuan ng paligid, me papel sa buhay. Sa buhay niya, buhay ko, buhay natin. Wala din namang kontrabidang tao, na nung ipinanganak ay kontrabida na. At kagaya sa isang lapis, ang tao ay  tinatasahan. Dumarating sa buhay natin ang pagsubok - natatasahan tayo-para maging maayos ang takbo ng ating buhay. Kailangan idaan sa isang sharpener (biro mo, ipasok ka sa loob ng sharpener na me blade!!), nasusugatan, minsan nababalian pa, nauupod, at muling idadaan sa sharpener kung kina-kailangan....at muling gagamitin. Pag namali, sa parte rin ng lapis kinukuha ang pagbura, o ang pagwasto sa pagkakamali. Yun eraser na nginangatngat ng bata, yun ang papel niya. Di ba madalas mismong sa tao rin nagkamali nakikita ang solusyon? Kapag sa iba galing ang mali, kumukuha ng snopek-yung correction fluid....parang tao, na minsan kailangan iba ang mag-wasto, para sa ikabubuti nito. At kapag tapos na ang artwork, at nakadisplay na, pinupuri ang magandang art, pinupuri ang gumawa, at paminsan-minsan, tinatanong ang artist: anong ginamit mo dito? Pero ang papuri ay inilalaan sa lumikha ng obra.Hindi ke lapis. At kapag upod na ang lapis, kasama na siyang ilalagay sa wastebasket, at kasama ng susunugin sa tabing bakanteng lote.

       Habang nakaupo ako dito, naisip ko na tayo ay parang isang lapis. Ginawa ng Diyos, ang tunay na Master Artist. Gumuhit ang Diyos, ginamit tayo sa Kanyang plano. Tinatasahan para maibigay natin ang pinakamaganda nating maibibigay. Ginagamit ang iba ng madalas, at iba ay bihira, pero lahat ay hinawakan Niya. Ginamit ang iba upang lumikha ng mga straktura-andyan ang mga inhinyero, arkitekto. Ginamit ang iba upang lumikha ng mga nota ng musika. Ang iba ay ginamit sa pag-compute at sa accounting. Me plano siya palagi sa gagawing 'artwork'. Minsan, bida si HB, minsan, bida si E o si B. At, kapag di sumusunod ang lapis, pag nagiging mapurol, hala, tasa uli, erase, tasa. Lahat ay dumaan sa pagsubok, nguni't hawak tayo ng Diyos kapag tayo ay dumadaan sa loob ng sharpener. Ang ipinagkaiba lamang ay di sinusunog ng Diyos sa tabing lote ang mga lapis na upod na at sumunod sa kumpas ng Kanyang kamay. Iniipon Niya ito at itinatabi ng ubod ng ingat.

      Ako ay isang lapis . Handang matasahan, handang mabura, handang maupod. At kapag natapos na ang drawing, handang tumabi sa gilid para mabigyan ng parangal ang Tunay na Artist. Simple lang ang lapis. Marami ang nasimulan dahil sa kanya. Simple ngunit napakalaki ng pakinabang. Ginagamit tayo ng Diyos upang makasama Niya sa paglikha, sa pagbuo ng isang Obra. Madalas tayong nababali, madaling mapurol, at kapag madalas nagagamit, natural, nauupod. Nguni't matiyaga Niya tayong tinatasahan, hawak ng Kanyang mga Kamay, upang maibalik muli ang talas at ganda ng ating buhay. Oo, payag akong maging isang simpleng LAPIS, handang matasahan, handang mabali, at handang pahawak sa Tunay na Artist, upang makasama Niya sa paglikha ng tunay na OBRA.